May malikhaing paraan ang isang lalaking magnanakaw, na nagtago sa isang payong para tumakas mula sa isang gusali sa Chengdu, China. Ngunit ang suspek, natukoy pa rin ang pagkakakilanlan nang lumitaw sa CCTV ang kaniyang tsinelas.
Sa security footage ng establisimyento, na iniulat din sa GMA Integrated Newsfeed, nakunan ang isang payong na nililipad lamang sa isang hallway sa unang tingin.
Ngunit ilang saglit lang, namataan na may sumulpot na tsinelas kasama ng payong.
Ang footage ay nakunan sa mismong araw rin na nawala ang isang laptop mula sa isang kompanyang nag-oopisina roon.
Ayon sa pulisya, ang payong ang ginamit ng salarin upang itago ang kaniyang pagkakakilanlan. Ngunit dahil nahagip sa footage ang suot niyang tsinelas, ito ang nagsilbing daan para mahanap siya at matukoy ang pagkakakilanlan.
Namataan kalaunan ng pulisya ang suspek na kinilalang si Jia XX, na nadakip sa isang internet cafe isang araw matapos ang kaniyang pagnanakaw.
Pumalag pa sa umpisa ang lalaki, ngunit nang ipakita na ang mga ebidensiya laban sa kaniya, hindi na siya nagpatumpik-tumpik pang umamin sa krimen.
Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek, samantalang wala pang inilalabas na detalye ang mga awtoridad kaugnay sa motibo niya at kung naisauli ang laptop sa kumpanya. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News