Arestado ang limang drug suspek sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Brgy. Bahay Toro, Quezon City. 

Target ng operasyon ang isang 37-anyos na lalaki na nagbebenta umano ng shabu. 

Naabutan namang bumibili ng droga sa kanya ang isang babae at tatlong lalaki. 

“Nakatanggap tayo ng impormasyon sa ating confidential informant kaya nag-verify po tayo sa area na itong target na ito ay siyang nagpapakalat ng illegal na droga sa lugar nila,” ani Police Lt. Col. Roldante Sarmiento, ang station commander ng Project 6 Police.

Nakuha sa mga suspek ang 20 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P136,000. 

Ang lalaking subject ng operasyon ay nakuhanan pa ng dalawang granada sa kanyang sling bag. 

“Ang area of operation ng ating suspek ay sa Brgy. Bahay Toro. Ang karaniwang parokyano ay mga karatig pook lang din doon sa area. Ayon sa imbestigasyon, ang pagbabayad sa droga ay through online payment pero kailangan nila pumunta roon sa bahay ng target para kunin ‘yung illegal na droga,” dagdag ni Lt. Col. Sarmiento. 

Itinanggi ng 37-anyos na suspek na nagtutulak siya ng shabu pero may nakuha raw sa kanyang granada. 

“Hindi po kami nagbebenta sir. Yung explosive grenade po may nakuha sa amin pero hindi po yon sa amin sa amo ko po yon iniwan sa akin po,” depensa ng suspek. 

Emosyonal naman ang babaeng suspek nang tanungin kung bumibili siya ng illegal na droga: “Hindi po ako sinungaling po. Hindi ako naka-droga po.”

Tumangging magbigay ng pahayag ang tatlong iba pang lalaking suspek. 

Mahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. 

Ang 37-anyos na suspek ay may karagdagang reklamong illegal possesion of explosives. 

—VAL, GMA Integrated News