Sinamantala umano ng mga scammer online para makapanloko ang pagkamatay ng 3 menor de edad sa sunog sa Sta. Mesa, Maynila.

Hindi pa rin matanggap ng nanay na si alyas "Khat" ang sinapit ng tatlo sa kanyang siyam na anak na namatay sa sunog sa Sta. Mesa, Maynila nitong nakaraang Martes.

Pero ang mas hindi matanggap ng pamilya ng mga biktima ay nagagamit pa sa panloloko ang nangyari sa kanilang mga anak.

Ikinwento niya na ilang scammer online ang nagpapanggap na kamag anak para makakuha ng pera sa pamamagitan ng mobile wallet.

“Nagpanggap na tatay sila ng mga anak ko... Sana lumaban ka ng patas, wag mong gamitin ung kahinaan ng ibang tao para sa sarili mong kapakanan,” sabi ng ina ni Khat.

“Baka pag sayo nangyari 'to, mas hindi mo kayanin,” dagdag pa niya. 

Sa kuwento pa ng nanay ng biktima, alas singko ng hapon nang sumiklab ang apoy sa kanilang bahay. Masuwerte umano at nailabas pa ng kanyang pang anim na anak ang dalawang kapatid nito na kambal bago pa magkaroon ng sunog.

Sinubukan niya pa raw pasukin ang bahay para iligtas ang kanyang tatlong anak na mga natutulog noon. Pero, bigla umano siyang hinila ng ilan sa kanyang mga kapitbahay. Kumuha rin daw ang ilan sa mga ito ng mga fire extinguisher sa barangay para sana maapula ang ahoy.

 “Kaso ung fire extinguisher wala pong laman. Nakakalungkot kasi apat un, walang laman,” saad ni ina ni  Khat.

Ngunit itinanggi naman ng barangay at sinabing isa lamang sa mga fire extinguisher ang walang laman at pilit lang itong kinuha ng ilang residente.

“Lahat ay ginawa ng barangay, na tumulong don, lahat ginawa, alam nila yan, alam ng mga tao yan, syempre kami naman, hindi naman kami maalam tungkol dun sa sunog eh,” sabi ni barangay captain Francisco Blanco.

Sabi pa ng barangay, posibleng taon na rin na walang suplay ng kuryente sa nasabing bahay at wala rin bintana dito na pwedeng paglabasan ng usok.

Sa ngayon ay patuloy pa ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection para malaman ang pinagmulan ng apoy.

Kinwestyon naman nila ang naging pag responde ng mga awtoridad.

“Dapat, bago po maipunta ng funeral, d ba dapat hospital muna? Para marevive po sila kasi hindi naman po sila sunog, na suffocate lang po sila.” 

Sinusubukan pa kuhanan ng GMA Integrated News ng pahayag ang BFP tungkol dito.

—VAL, GMA Integrated News