Isang doktor ang sugatan pagkatapos siyang saktan ng isang lalakeng bumunggo ng kanyang sasakyan sa may Roxas Boulevard sa Maynila.
Sa kuwento ng kapatid ng biktima, papasok sana sa trabaho ang kanyang nakababatang kapatid sa isang ospital sa Quezon City nang biglang mabunggo ng suspek ang likurang bahagi ng sasakyan ng biktima
“Nagbigay ng isang libong piso para sa danyos, syempre yung kapatid ko ay hindi talaga pumayag dahil medyo malaki yung damage, kaya ito parang nagstart na nagwala tsaka ayaw magpatawag ng pulis,” sabi ni Glenn Belasquez.
May kasama daw ang suspek na nagpakilalang anak ng isang retiradong mataas na opisyal ng Philippine Coast Guard.
Sinubukan naman umano nitong umawat pero hindi pa rin nagpapigil ang suspek sa pananakit sa biktima.
Mabuti na lamang umano at merong mga pulis na napadaan sa lugar kaya nahuli ang suspek at agad dinala sa Ermita Police Station.
Sinampahan na siya ng reklamong physical injury.
Sabi naman ng kapatid ng biktima, amoy alak noon ang suspek nang sinubukan niyang kausapin.
Pero, hindi pa ito kinukumpirma sa ngayon ng mga awtoridad.
Sinusubukan pa kunan ng pahayag ng GMA Integrated News ang Ermita Police station kaugnay sa nangyari, gayundin ang suspek.
—VAL, GMA Integrated News