Nasawi ang isang 75-anyos na lalaki matapos paluin ng bakal sa ulo ng kapitbahay niyang taga-hakot ng basura na kaniyang nakaaway sa Taytay, Rizal.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing bago ang insidente, magtatapon lang sana ng basura ang biktima sa Barangay Santa Ana Miyerkoles ng madaling araw.
Ngunit ilang sandali lamang, dinatnan na siya ng pulisya na nakabulagta sa kalsada at wala nang buhay.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulis siya na suspek ang 50-anyos niyang kapitbahay na taga-hakot ng basura sa lugar na dati na niyang nakaalitan.
Napanood pa sa CCTV ang pag-alis ng suspek sa lugar matapos umano ang krimen.
“Itong suspect natin, garbage collector, nakita niya na noong December 30, 'yung victim nagtapon ng patay na hayop doon sa bunton ng basura na kokolektahin ng suspect. Nagkaroon sila ng confrontation and then humantong sa paghahamunan. Hinahamon ni suspect 'yung victim. That time, hindi pinatulan,” paliwanag ni Police Lieutenant Colonel Marlo Solero, hepe ng Taytay Police.
Makaraan ang ilang araw, nagtapon din ng basura ang suspek sa tapat ng bahay ng biktima bilang ganti.
Enero 15 naman nang isagawa na ng suspek ang pamamalo ng tubo sa ulo ng biktima.
“Hindi ko magagawa kahit kailan ‘yun,” pagtanggi ng suspek, na iginiit na idinidiin lang siya sa krimen dahil siya ang huling nakaalitan ng biktima.
“‘Yung huling-huling po, doon ako nagwala, doon sa may ilabas ng gate nila. Binato ko 'yung pusang nabubulok na, sobrang baho,” sabi ng suspek.
Sinabi ng pulisya na dati nang nabilanggo ang suspek dahil sa ilegal na droga.
Nang makalabas ng kulungan makaraan ang humigit kumulang pitong taon, naharap naman siya sa bagong kaso matapos molestiyahin umano ang kaniyang pamangkin.
Nahaharap sa panibagong kasong murder ang suspek.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News