May nakita umanong mga balahibo ng ibon at dugo ang mga imbestigador sa mga makina ng Jeju Air 089590.KS jet na bumagsak sa South Korea noong nakaraang buwan, na ikinamatay ng 179 katao.

Ang impormasyon ay nakuha ng Reuters, mula umano isang taong pamilyar sa isinasagawang imbestigasyon sa nangyaring sakuna.

Lumipad ang Boeing 737-800 mula sa Bangkok na kabisera ng Thailand, at patungong Muan county sa timog-kanlurang bahagi ng South Korea.

Mabilis itong nag-landing na walang nakababang gulong at dumausdos sa runway hanggang tumama sa pader at sumabog.

Tanging ang dalawang crew member na nasa dulong bahagi ng eroplano ang nakaligtas.

Apat na minuto bago ang sakuna, iniulat ng isa sa mga piloto ang isang bird strike at nagdeklara ng emergency bago magsimula ng go-around at magtangkang mag-landing sa kabilang dulo ng runway, ayon sa mga awtoridad ng South Korea.

Dalawang minuto bago nagdeklara ang piloto ng "Mayday" emergency call, pinaalalahanan ng air traffic control ang piloto ng pag-iingat dahil sa "bird activity" sa lugar.

Ayon sa mga imbestigador, may mga balahibo na natagpuan sa isa sa mga makina na narekober mula sa lugar ng aksidente. Idinagdag na nakita sa video footage na may bird strike sa isang makina.

Tumanggi naman ang Ministry of Transport ng South Korea na magkomento kung may natagpuan nga na mga balahibo at dugo sa parehong mga makina.

Ang dalawang black boxes ng eroplano na mahalaga sana para matukoy ang sanhi ng aksidente, lumitaw na tumigil sa pagrerekord, apat na minuto bago ang insidente. Kaya naging hamon lalo sa isinasagawang imbestigasyon.

Ikinagulat naman ni Sim Jai-dong, isang dating imbestigador ng Ministry of Transport, ang pagkawala ng mga datos at nagpahiwatig na maaaring pinutol ang lahat ng power, kabilang ang backup, na bihirang mangyari.

Ayon sa ulat, bihira ang mga bird strike na nakakaapekto sa parehong mga makina. May mga matagumpay na kaso rin umano ng bird strike na ligtas na nailapag ng piloto ang eroplano. Kabilang dito ang "Miracle on the Hudson" river landing sa U.S. noong 2009, at isang cornfield landing sa Russia noong 2019. — ulat mula sa  Reuters/FRJ, GMA Integrated News