Isang babaeng motorcycle rider ang nasawi matapos siyang magulungan ng trailer truck sa EDSA sa Quezon City nitong Lunes ng gabi.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Martes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng Quezon City Police na galing sa trabaho ang biktima at pauwi na sana sa Valenzuela.
Ang trailer truck naman, nanggaling sa Maynila at pa-garahe na sa Malabon.
Napatigil umano ang driver ng truck nang may naramdaman siyang tila kumalso sa kaniyang sasakyan.
Hanggang sa doon niya nakita na nasa ilalim na ng truck ang babaeng rider.
Ayon sa pulisya, nagka-areglo na ang truck driver at mga kaanak ng rider.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
