Nagsagawa ng autopsy ang National Bureau of Investigation (NBI) sa mga labi ng overseas Filipino worker (OFW) na nasawi sa Kuwait na si Jenny Alvarado.

Mismong mga anak niya ang nagkumpirma na ito na ang kanilang ina, matapos ang pagkakapalit ng labi nito sa katrabaho niyang Nepali.

Ayon kay Angel Alvarado, "Opo siya na po. Nakita rin po namin 'yung nunal, peklat niya, lahat."

Pero hindi pa man lumalabas ang autopsy result sa bangkay ni Alvarado, naniniwala ang mga anak ni Alvarado na may foul play sa pagkamatay ng kanilang ina.

Kuwento ni Angel, nakita raw nilang may mga pasa sa katawan ang kanilang ina.

"Nakita po namin sa katawan niya is maraming pasa…sa bandang tuhod po, sa braso, sa kamay, sa likod and in-explain naman po sa amin ng NBI na we will wait for the result," ani Angel.

Sa huling pakikipag-usap daw nila sa ina noong January 1, wala naman daw itong naikuwento sa kanila na problema sa kaniyang employer.

"Eight years po siya doon sa amo niya. Ang masasabi ko lang is bakit ngayon pa nangyari kung kailan patapos na ang kontrata niya," sabi ni Angel.

'Di na-autopsy sa Kuwait

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), hindi sumailalim sa autopsy ang labi ni Jenny sa Kuwait.

Gagamitin daw ng gobyerno ng Pilipinas ang autopsy report ng NBI para i-validate kung talaga ngang coal suffocation ang dahilan ng pagkamatay ni Alvarado.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, "Tiningnan ko 'yung death certificate kahapon, [ang nakalagay ay] cardiac arrest, which is the  most common statement in a death certificate. So, we need to dig deeper, we need to find out. But, of course, 'yung coal suffocation allegation is guidance, 'no? So, I would suppose na ang isa sa titingnan ng NBI ay 'yung kung anuman ang maapektuhang organs ng body in a coal suffocation case."

Inaantabayanan pa rin daw ng DMW ang police report mula sa Kuwait.

Pero pinag-aaralan na rin daw ng departamento ang mga legal na aksyon sakaling lumabas na may paglabag sa Kuwaiti law ang employer ni Alvarado, maging ang shipping handler na nagpadala ng maling bangkay sa Pilipinas.

"We're looking at the service provider, siya lang naman ang tinitingnan natin. He wrote us a letter stating that the body came to them from the criminal investigation division of Kuwait with the tag, with the name of Jenny Alvarado and when they received it, sabi nila there was no way to identify, so they shipped it. So those are things that we are looking at, our lawyer is carefully looking at, kasi we very well should have [been] given a chance to confirm and verify," ani Cacdac.

Humingi na raw si Cacdac ng paumanhin sa pamilya Alvarado at tiniyak niyang aalamin ng gobyerno ang tunay na nangyari.

Ire-review din daw nito ang mga polisiya sa pagpapaalis ng mga domestic workers sa Kuwait.

"With what has happened, 'yung pagkasawi ng OFWs natin ngayon sa Kuwait ay nirerepaso, nire-review din natin ngayon 'yung current policy na 'yan kung dapat ba nating higpitan? At kung dapat ba nating magkaroon pa ng more stringent measures sa pagpapaalis ng ating mga domestic workers," ani Cacdac.

Hiling ng pamilya

Panawagan naman ng pamilya Alvarado sa gobyerno, tuparin ang mga pangako nito bagamat hindi na nila idinetalye kung anu-ano ang mga ito.

Sabi ng isa sa mga anak ni Jenny na si Nathania Fernandez, "Nananawagan po kami, sana maging tanda na ito, sana huli na ito na namamatay umuuwing mga Pilipina dahil sinasaktan o inaagrabyado man sila, sana hustisya talaga at hindi lang magiging kuwento ito at porke't nalibing na eh tapos na. Hindi po, sana patunayan niyo ang pinangako niyo sa amin dahil alam naman po namin na gagawin niyo pero sana 'wag lang pangako at gawin din."

Ayon naman kay Angel, "Ilalaban ko po siya, may mananagot po talaga dito, managot at dapat managot, idiin ang dapat idiin."

Nakatakda namang iburol si Alvarado sa Montalban, Rizal habang hinihintay pa ang paglabas ng resulta ng autopsy ng NBI sa kaniyang mga labi. — VDV, GMA Integrated News