Isang 19-anyos na babae na nagpatulong sa mga awtoridad nang maholdap, ang siya naman ngayong dinakip matapos siyang manloob ng bahay at magnakaw ng mga cellphone at iba pang kagamitan sa Quezon City.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing unang nagreklamo ang babae matapos umano siyang holdapin ng isang lalaki sa Nepa Q. Mart sa Quezon City at manakawan ng P19,000.
“Umikot kami sa loob mismo ng Q. Mart at nakuha 'yung tao. Nakapkapan namin at may nakuha kaming tatlong sachet ng drugs. Pinakulong 'yung tao, 'yung sabi niya naghold-up pero nakuha na natin ang droga,” sabi ni Kapitan Marciano Agua Jr. ng Barangay E. Rodriguez.
Nasamsam mula sa nangholdap na lalaki ang ilegal na droga at isang patalim. Gayunman, hindi nabawi ang umano’y nanakaw na pera ng babae.
Kinabukasan, isang lalaki naman ang pumunta sa barangay upang magsumbong matapos looban ang kanilang bahay, tangayin ang apat niyang cellphone, at wallet na may lamang mga ID at P5,900.
Nang balikan ng CCTV, natuklasang suspek ang dalagang naholdap.
“Pinakita ko 'yung kuha, sabi niya ito 'yung kagabi. Nagreklamo dito na naholdap daw siya ng P19,000,” sabi ng complainant na si Al Pardilla.
Napanood ang babae na umaaligid malapit sa bahay ng lalaki.
Hindi na nakunan ang mismong pagpasok ng babae sa bahay ng lalaki upang ibulsa ang apat na cellphone. Ngunit ilang saglit lang, nakita ang babae na naglakad paalis mula sa loob ng bahay.
Nang madakip, umamin ang babae sa krimen, na sinabing gusto lang niyang makabawi matapos mawalan ng pera.
“Noong nakaraan po kasi, naholdap po ako. Tapos hindi ko na po alam ang gagawin ko. Natutuliro na po 'yung utak ko. Hanggang sa naisip ko na lang po na gumawa ng hindi maganda,” sabi ng babaeng suspek.
Ayon sa babae, sa isang mall sa Maynila siya nagtungo para ibenta ang mga ninakaw na cellphone sa halagang P4,000.
Kahit na naibigay na sa lalaking may-ari ang pera, umaasa rin siya na maibabalik ang mga ninakaw na gamit.
“Kinuha niya ‘yung pera yun, iniwan sa taxi 'yung wallet. Ayun din 'yung habol ko, ‘yung wallet din kasi andoon ang lisensiya ko, 'yung wala na. Makuha man namin 'yung cellphone o hindi, magsasampa pa rin kami ng kaso,” sabi ng lalaking biktima.
Nahaharap ang babae sa reklamong theft, samantalang posibleng masampahan ng reklamo ang bumili umano ng mga nakaw na cellphone para sa paglabag sa Anti-Fencing Law.
Sa ngayon, nabawi na at naisauli sa may-ari ang apat na cellphone, ayon kay Agua. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News