Welcome development daw para sa Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG ang inaasahang pagdedeklara ng Department of Agriculture (DA) ng food security emergency.

Sinusuportahan din daw nila ito dahil mapapababa ang presyo ng bigas.

Ayon kay SINAG president Rosendo So. “I think ‘yung declaring ito is para at least 'yung NFA [National Food Authority] rice is pwedeng magbenta at lower price no? Welcome development ‘yan at sinusuportahan namin para at least bumaba 'yung presyo.”

Bukod sa makakatulong aniya ito sa consumers, makakatulong din daw ito sa mga local farmers dahil sa kanila bibili ng pamalit na stocks ang NFA.

Maganda nga rin daw ang timing dahil ang panahon ng anihan ay sa huling bahagi ng February at ang peak naman daw ng anihan ay sa March.

“Maganda 'yung timing kasi kung ma-implement 'yan eh more or less mga 10 days pa 'yan, 10-15 days siguro. Sa tingin natin timing naman para ma-dispose ang mga ito,” ani So.

Nitong Biyernes ay inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang posibleng pagdedeklara ng food emergency security para mapababa ang presyo ng bigas.

Ayon kay Marcos, ang presyo ng bigas ay nanatiling mataas kahit na lumiit ang cost of production.

"Hindi nasusundan and supply and demand curve. Dahil hanggang ngayon kahit ibaba mo lahat ng inputs, ang pagbenta pa rin mataas pa rin,” ani Marcos

“And so we have to force that price down and we have to make sure that the market works properly,” dagdag niya.

Malamang maidedeklara ang food security emergency sa linggong ito, at posibleng sa Miyerkoles, Enero 22, ayon kay DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa.

BASAHIN: EXPLAINER: What is a food security emergency?

EO 62

Hiling ng SINAG, i-review ng gobyerno ang Executive Order (EO) 62 at ibalik na lang ang 35% taripa sa bigas at mapunta ang koleksyon nito sa mga magsasaka para bumaba ang production cost at mapababa nito ang presyo ng bigas sa bansa.

Halimbawa aniya nitong June, July hanggang December, P15 billion ang tariff collection na nawala.

Kung inilaan na lang daw ito sa 1.5 milyong hectares ng sakahan, ibig sabihin P10,000 per hectare ang mababawas sa cost of production kada ektarya.

Kung gumagastos aniya ng P50,000 per hectare, magiging P40,000 na lang daw ang cost of production na equivalent naman daw sa P2.90 na reduction sa presyo ng palay per kilo.

Kung iko-convert naman daw ito sa bigas, P5 pesos per kilo ang mababawas sa presyo.

“Sa 1 hectare, kung gumagastos ka ng P50,000 per hectare, less P10,000, magiging P40,000 na lang 'yung cost of production mo per hectare. So equivalent nu'n is P2.90 na palay per kilo. Kung i-convert sa bigas 'yun, P5 per kilo... mababawas,” ani So. —KG, GMA Integrated News