Arestado sa ikinasang follow-up operation ng pulisya ang isang lalaking nang-holdap sa Barangay Commonwealth, Quezon City.

Nakatambay ang suspek sa gilid ng kalsada nang inabutan ng mga awtoridad.

Positibo siyang itinuro ng biktima kaya agad inaresto ang 33-anyos na suspek.

Nabawi sa suspek ang cellphone at wallet ng biktima at isang baril na kargado ng mga bala.

Ayon sa pulisya, naglalakad ang 24–anyos na lalaking biktima papunta sa kanyang kaanak nang mangyari ang krimen.

“Napansin niya na nung binulsa niya yung cellphone niya may sumunod na lalaki sa kanya then outright tinutukan siya ng baril nagdeklara ng holdap. Hiningi sa kanya ‘yung cellphone niya at wallet. Dahil may baril binigay na niya nang matiwasay yung kanyang mga pag-aari,” ani Police Major Mark Ronan Balmaceda, ang deputy station commander ng Batasan Police.

Nakapagreport ang biktima sa Batasan Police Station kaya agad na narespondehan ang insidente.

Sa imbestigasyon, napag-alaman na hindi lisensyado ang baril na nakuha mula sa suspek.

Umiiral din ang Comelec gun ban.

“Ipapa-ballistic examination natin ‘yon para malaman kung na-involve sa ibang krimen ‘yung firearms na ‘yon,” dagdag ni Police Major Balmaceda.

Aminado ang suspek sa nagawang krimen.

“Dahil po gawa nagipit ako wala po akong trabaho. Pambili lang po ng gatas,” sabi ng suspek.

Kaugnay naman sa nakuhang baril, hiniram lang daw niya ito sa kanyang kaibigan.

Mahaharap ang suspek sa reklamong robbery at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act kaugnay ng Omnibus Election Code. — RSJ, GMA Integrated News