Isang guro na nagpapa-photocopy sa isang printing shop sa Tondo, Maynila ang nadukutan ng halos P300,000 halaga ng cash at mga gadget.
Sa kuha ng CCTV sa nasabing shop, makikita ang isang lalaki na aakalain mong customer din.
Hindi gaanong nahagip sa CCTV pero natangay ng lalaki ang mga gadget at cash ng babaeng nagpapa-photocopy noon sa counter.
Ang biktima ay isang high school teacher na nagpapa-photocopy ng grades ng kanyang mga estudyante.
Kuwento niya, ipinatong niya ang kanyang bag sa isang upuan malapit sa kanya.
"Actually nu'ng ako po ay magbabayad na, napansin ko 'yung bag ko wala na sa aking tabi... Du'n na po nagsimula na parang natuyuan na ako ng laway. 'Di ko alam ano gagawin ko. Parang mahihimatay ako na talagang humingi na ako ng tulong kung saan-saan," ani Merlitte Verzosa, isang science teacher ng Grade 9 at 10.
Sa loob lang ng halos isang minuto, natangay ng suspek at dalawang mamahaling cellphone, laptop, mga credit card, ID at halos P40,000 na pang-bayad sana ng tuition ng kanyang anak.
Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang Manila Police District (MPD) hanggang sa matukoy ang pagkakakilanlan ng lalaki.
Dito na napag-alaman na notoryus na magnanakaw ang suspek at halos kalalaya lang din noong nakaraang buwan dahil naman sa ilegal na pagsusugal.
"'Yung tiyuhin niya mismo sa Caloocan, nu'ng pinuntahan namin, sinusuka na siya kasi ultimo sila ninanakawan din. At talagang kilala na siya doon sa lugar nila na gano'n talaga 'yung ano niya, pagnanakaw, salisi," ani Police Captain Aldeen Legaspi, commander ng Hermosa Police Community Precinct ng MPD-7.
Makalipas ang ilang araw, nahuli siya sa Bocaue, Bulacan kung saan nagnakaw din umano ang suspek.
Narekober mula sa kanya ang mga ID at iba pang dokumento ng biktima. Pero hindi na nabawi sa kanya ang mga gadget at pera nito.
Lumabas sa imbestigasyon na matapos ang pagnanakaw sa biktima, umuwi ito sa kanilang lugar sa Caloocan.
Bigla raw itong namigay ng pera sa mga residente at ibinigay pa sa kanyang kapitbahay ang isa sa dalawang cellphone ng biktima.
"Namigay ng pera sa mga taga-doon... Nagtataka nga rin sila ba't ang daming pera... Allegedly, 'yung base sa impormasyon, 'yung pinuntahan niya daw doon na bahay ay puwestuhan ng ilegal na droga," ani Legaspi.
Nabawi naman nila sa kapitbahay ang cellphone, gayundin ang isa pang cellphone na naibenta naman sa isang mall sa Caloocan.
Bukod umano sa pangbayad ng tuition, problema rin ng biktima ang kanyang laptop na hindi na nabawi.
Nandito raw kasi ang kanyang mga lesson sa pagtuturo mula pa noong 2016.
"Nahihirapan po ako ngayon. Almost two days na nga po akong hindi masyado makapagturo kasi nga po nandoon 'yung mga files ko," kuwento ng biktima.
Sa kabila nito, napatawad naman na daw ng biktima ang suspek.
Naging estudyante raw kasi ng biktima ang mga kamag-anak nito.
Gayunman, tuloy pa rin daw ang reklamo laban sa kanya.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na mahingan ng pahayag ang suspek na nasa kustodiya ng Bocaue Police Station. —KG, GMA Integrated News