Nagsagawa ng kilos-protesta ang iba't ibang grupo sa EDSA People Power Monument sa Quezon City nitong Biyernes ng umaga para ipanawagan na i-impeach o alisin sa kaniyang puwesto si Vice President Sara Duterte.
“Impeach! Impeach Sara now!” sigaw ng mga nagpoprotesta na makikita sa video post sa Facebook ng Akbayan.
Kinalampag din ng mga nagpoprotesta ang Kamara de Representantes na aksyunan ang mga impeachment complaint na inihain laban kay Duterte.
“Anong petsa na? Matatapos na ang Enero, wala pa ring aksyon ang Kongreso sa mga impeachment complaints. Magpapatalo at magpapasindak ba ang Kongreso kay Sara at sa kanyang chicheryang mga palusot?” ayon kay Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña.
“The time has come to take decisive action and finally impeach the Vice President. Habang nakaupo pa siya, hinahayaan nating mamayani ang pandarambong sa ating gobyerno,” dagdag nito.
Ayon sa Akbayan, nasa 5,000 katao ang dumalo sa protesta. Nagpadala naman ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng 2,000 tauhan para bantayan ang seguridad sa lugar.
Nitong Enero 10, sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco na "verified" na ang tatlong impeachment complaints na inihain laban kay Duterte.
Nanawagan si Cendaña sa kaniyang mga kasamahan sa Kamara na bigyan ng prayoridad ang kapakanan ng bansa.
“Ang dapat mangibabaw ay ang ating moral at pambansang obligasyon, hindi ang pangamba sa darating na halalan. Hindi tayo dapat nagpapaapekto sa bilang ng botong madadagdag o mababawas kung susuportahan natin ang impeachment. We must uphold our constitutional mandate to revoke the powers of abusive government officials,” panawagan niya.
Sa isang ulat naman ni Glen Juego ng Super Radyo dzBB, sinabing may programa ring isinasagawa ang mga nagpoprotesta sa EDSA Shrine sa Ortigas.
Magmula kaninang umaga, umabot na sa 40,000 ang mga nagtipon- tipon na raliyista sa People Power Monument at EDSA Shrine sa Ortigas,
Ayon umano kay QCPD Director Police Colonel Melecio Buslig Jr., tinatayang umaabot na 40,000 ang mga nagtipon- tipon sa People Power Monument at EDSA Shrine.
Magmula kaninang umaga, umabot na sa 40,000 ang mga nagtipon- tipon na raliyista sa People Power Monument at EDSA Shrine sa Ortigas, ayon kay QCPD Dir. Ccol Melecio Buslig Jr. | via @glenjuego pic.twitter.com/0B9V0Fa55e
— DZBB Super Radyo (@dzbb) January 31, 2025
Hinihintay pa ng GMA News Online ang komento ng kampo ni Duterte sa naturang protesta.
Pero nauna nang sinabi ni Duterte na handa niyang harapin ang mga impeachment complaint laban sa kaniya.
“So, okay din 'yung impeachment case dahil ako lang ang tinitira doon, ako lang iniimbestigahan noon. Ako lang ang inaatake ng impeachment case,” ani Duterte.— mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News
