Arestado ang isang babae at isang lalaki na nagpapanggap umanong mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Intramuros, Maynila. Ang kanilang modus, humingi ng pera sa mga kaanak ng nadakip na POGO workers kapalit ng paglaya ng mga ito.
Sa ulat ni Saleema Refran sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nagsagawa ng entrapment operation ng PNP-CIDG, AFP at PAOCC sa isang visa consultancy office nitong Miyerkoles ng gabi, para madakip ang mga suspek.
Nang maaresto, itinatanggi pa ng isang babae ang pagtanggap sa marked money. Modus umano ng visa consultancy office na magpakilalang mga tauhan ng PAOCC, Bureau of Immigration at NBI, na may kakayahang palayain umano ang mga naarestong POGO worker.
Bukod dito, kaya rin umano nilang tanggalin ang pangalan ng mga ide-deport at mga nasa blacklist ng BI.
Isa sa mga biktima si “Era,” na nakunan ang ipinagbubuntis nang makaranas ng matinding stress upang makapagbayad ng P1.1 milyon na hinihingi ng mga suspek.
Nagawa pang isinangla ng mga magulang ng nobyo ni “Era” ang kanilang bahay sa China para makapagbayad.
Sa kabuuan, P900,000 na ang kabuuang naibigay niya sa mga suspek.
“Wala pa rin po hanggang ngayon, hindi pa rin nailabas ang fiance ko po. Nag-alala rin po ako sa parents ng fiance ko kasi isang buwan lang po ‘yung ibinigay sa kanila na palugid sa sinangla nilang bahay,” sabi ni “Era.”
Nadakip naman sa raid sa Parañaque ang asawa ni “Nice” at pinagbayad ng P1.1 milyon. Gayunman, hindi ang PAOCC kundi BI ang dumakip sa kaniyang asawa.
“Hintayin daw, kasi si PAOCC naman daw ang nag-ano sa asawa ko, hawak daw ng PAOCC, kaya huwag mag-alala. Siyempre naniwala na rin ako,” sabi ni “Nice.”
Nagpapakilalang visa consultancy firm ang opisina, ngunit may alok na “extra service” na pagsasa-ayos ng iba't ibang mga dokumento para sa mga banyaga.
Nakita sa opisina ang samu’t saring mga dokumento, passports at mga alien certificates of registration.
Nakatakdang iproseso ito ng mga awtoridad para sa kasong inihahanda sa mga nahuling suspek.
Binabantayan na ng PAOCC ang opisina dahil sa pagiging fixer nito upang maging pekeng Pilipino ang mga dayuhan.
“May mga reports na kaming natatanggap even last year about sino ba 'yung fixer o sino ba 'yung conduit na lumalakad ng mga papeles ng mga Chinese. Especially those who are working sa mga POGO operations, para magkaroon sila ng Philippine passports, magkaroon sila ng birth certificate from PSA and even death certificate kung may gusto silang patayin, tapos papalitan nila ng bagong identity, gagawa nila ng bagong certificate. Ito 'yung hinahanap namin,” sabi ni undersecretary Gilbert Cruz.
Dagdag ng PAOCC, marami nang nabiktima ang grupo, gaya ng mga nanay ng mga POGO babies, at may mga kasabwat pa ito sa iba't ibang ahensiya ng gobyerno.
Patong-patong na reklamong robbery extortion, usurpation of person of authority, estafa at grave coercion ang haharapin ng dalawa, na tumangging magbigay ng pahayag.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
