Natagpuang nakasilid sa maleta na lumulutang sa isang ilog sa San Jose del Monte, Bulacan ang bangkay ng 16-anyos na babae na isang linggo nang nawawala.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa GTV News "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing nakita ang maletang nakalutang sa Sapang Alat river nitong gabi ng Huwebes na pinagmumulan ng masangsang na amoy.
Nang suriin ng mga awtoridad ang maleta, tumambad ang bangkay ng dalagita na isang linggo nang hinahanap ng kaniyang pamilya.
“Nakita namin ‘yung isang slightly opened na maleta and visible po roon na may bangkay sa loob,” ayon kay PCMS Adrian Nolasco, SJDM PCP2 Station Commander.
Nakabaluktot ang posisyon ng biktima, at mayroong kasuotan nang matagpuan sa maleta.
May nakita ring mga sugat sa katawan ng biktima.
Aalamin ng mga awtoridad kung itinapon mismo sa ilog ang maleta o tinangay lang ng agos sa lugar dahil sa mga pag-ilan.
“Sunod-sunod ‘yung ulan. Dahil ilog nga ‘yon, hindi natin masasabi kung inanod ba pero may possibility na doon din talaga,” ayon kay PSSG Patrick Llanza, Case Investigator.
Ayon sa kaanak ng biktima, nagpaalam ang dalagita noong gabi ng February 7, 2025 na pupunta sa bahay ng kaniyang kaibigan sa Caloocan pero hindi na siya nakauwi.
“Tawag nang tawag ‘yung last niyang kausap na kaibigan na pinipilit siyang sunduin ‘yung kaibigan kasi binubugbog daw po ng asawa,” saad ng kaanak.
Sa pakikipag-usap ng biktima sa telepono, madidinig siya nag-aalinlangan siyang pumunta sa kaibigan dahil sa, "Mamaya ako pa ang anuhin niyan, namumuro na ako sa asawa mo."
Sa kuha ng closed circuit television (CCTV), nakita ang biktima na patungo sa bahay ng kaniyang kaibigan sa Caloocan nang gabing iyon.
“Simula noon, hindi na po siya nagparamdam. Wala na rin po ‘yung account niya. Hindi na po ma-contact ‘yung cellphone niya,” ayon sa kaanak.
Hanggang sa natagpuan na nga ang bangkay ng biktima sa maleta.
“Sobrang grabe. Nakita ko ‘yung itsura ng katawan ng kapatid ko. May butas ‘yung leeg. Tapos ‘yung mukha niya, hindi ko na halos makilala,” saad ng kapatid.
May persons of interest na ang pulisya kaugnay sa nangyari sa biktima na kanilang hinahanap na.-- FRJ, GMA Integrated News