Natagpuan ng mga animal lover ang kanilang "purfect" date sa “Furst date fund-raising project” ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS). 

Dito nakalaro at nakabonding ng mga pet lover ang mga rescued animal na tila nasa isang date. 

Ang couple na sina Vince at Yeza na nagdiriwang ng kanilang 13th anniversary, sa shelter piniling mag-Valentine’s date.

Ang mga ‘furst dates’ nila, ang mga rescued dog na sina Chip na nanggaling sa isang POGO hub sa Pampanga, at si Yen na na-rescue sa baha sa Marikina City noong nanalasa ang bagyong Carina. 

Sabi ni Vince, “‘yung need lang nila yung love eh tapos dito sobrang nabibigay ng mga tao dito yung love na kailangan nila kaya masaya kami para sa kanila.”

Sabi naman ni Yeza, “We’re able po na mashare yung love po namin hindi lang po sa aming dalawa pero this time po sa mga dogs po.”

Ang mga malalambing na rescued puspins namang sina Ziggy at Ayi ang naka furst date ng couple na sina Crystal at Brian. 

“Super special kasi for me iba talaga yung love na nabibigay ng mga animals specially cats and dogs so to spend the valentine’s with them it’s one na hindi namin makakalimutan…” Ani Crystal. 

Sabi naman ni Brian, “Hindi naman sila laging may ka-date so sila naman.”

Hindi lang mga couple ang nakikipag-date dito kundi pati ang mga single and ready to mingle with the fur babies tulad ni Ruth. 

Ang kaniyang mga ka-furst dates, ang aspin na si “Rovic” at si “Tia” na halos buto’t balat na lang nang ma-rescue ng PAWS sa bangketa noon. 

Pero ngayon, malusog at masigla na siya. 

“I think it’s better to celebrate with animals who will appreciate yung love ba ng walang kahit na anong demands and i think yung mga aso rito and cats they deserve yung love na pwede nating ibigay tuwing Valentine’s,” ani Ruth. 

 

Nakipag-date din sa mga rescued dogs ang magkakambal na kapatid na sina Ana at Anie Beraye. REUTERS/Eloisa Lopez

 

 

Ayon naman kay PAWS Executive Director Anna Cabrera, ang proyektong ito ay makakatulong para magkaroon ng awareness ang mga tao tungkol sa adoption. 

“It’s increasing awareness about adoption, then people get to meet the animals and then meron pang pondong nare-raise for the shelter.” ani Cabrera. 

Kinakailangan din daw ng PAWS ang pondo para sa pagpapagamot at rehabilitation ng nasa mahigit dalawandaang rescued animals sa shelter. 

Puwede ring mag-sponsor na lang ng date para sa mga asong hindi pa kayang makipag-socialize sa mga tao at sumasailalim pa sa rehabilitation. 

Dito, ang mga volunteers ang magpa-pamper sa kanila at magbibigay ng treats na ipapakita naman sa mga sponsors sa pamamagitan ng pictures. 

“Love isn’t just romantic love for Valentine’s Day, it’s also love for creatures na who have been abused and they deserve a second chance at a good life.” ani Cabrera. —LDF/FRJ, GMA Integrated News