Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Education (DepEd) sa sarili nitong bakuran para alamin kung mayroon sa kanilang mga kawani ang sangkot sa umano'y "ghost students" o mga hindi dokumentadong benepisyáryo ng senior high school (SHS) voucher program.

Sa ambush interview sa Pasay City nitong Miyerkules, tiniyak ni Education Secretary Sonny Angara na pananagutin nila kung mayroon sa mga kawani nila ang mapapatunayang kasabwat sa naturang iregularidad sa programa.

“‘Yun talaga pinag-aaralan namin dahil ‘yung ibang impormasyon, iilang tao lang ang may hawak doon. So, ‘yun talaga titingnan namin kung may kasabwat dito,” ayon kay Angara.

“Dati, may nakita kami may kasabwat na, although ‘yung mga ‘yun, wala na sa DepEd ‘yun at kinasuhan na,” dagdag niya.

Kamakailan lang, inihayag ng DepEd na sinisiyasat ng central office ang pagkakaroon umano ng ghost students sa ilalim ng SHS voucher program sa 12 private schools sa siyam na divisions.

Nangangalap na umano ng katibayan ang ahensiya laban sa mga lalabas na kasabwat sa anomalya. 

Posibleng alisin din ng accreditation ang paaralan na sangkot sa iregularidad

Ayon pa kay Angara,  maaaring sampahan ng perjury cases ang mga lalabas na sabit sa anomalya.

“Dapat may penalty tayo at saka para hindi na maulit, hindi na subok nang subok. At saka hindi lang ‘yung eskwelahan, pati ‘yung mga opisyales ng eskwelahan, dahil may pinipirmahan ‘yan under oath eh. Puwedeng kasuhan ng perjury ‘yan kung tutuusin,” anang kalihim.

Ang SHS voucher program ay financial assistance program para sa mga estudyante sa senior high school sa private schools. Ang mga incoming Grade 11 student na nakatapos ng elementarya sa public schools ay awtomatikong nakatatanggap ng voucher na nagkakahalaga ng P14,000 hanggang P22,500.

Samantala, ang mga mag-aaral mula sa private schools na hindi grantees ng DepEd’s Education Service Contracting Program ay maaaring mag-apply upang makasama sa voucher program.

Hinikayat ng DepEd ang publiko na isumbong sa kanila ang mga nalalaman nilang iregularidad sa programa sa pamamagitan ng pag-email sa walangkorapsyon@deped.gov.ph. — mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News