Isang Chinese na naninirahan sa Pilipinas ang nawalan umano ng pera at mga gamit na aabot sa P5 milyon ang halaga. Pati ang dalawa niyang alagang pusa, tinangay din.
Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing Pebrero 12 nang i-hire ng biktima ang 30-anyos na suspek.
Dahil nagpakita ng kasipagan at maayos na pakikisama ang suspek, pinagkatiwalaan siya ng biktima.
Pero dalawang araw lang ang lumipas, nawala na ang kasambahay pati ang kaniyang vault, dalawang sasakyan, at dalawang alagang pusa.
"The house looked very messy because she was in a hurry to grab the items and leave. I felt terrible because she had only been in my house for a day. How could she have done all of this alone? She is a professional scammer," ayon sa biktima.
Ang sekretarya ng biktima, naniniwala na pinagplanuhan ng suspek ang ginawa nitong pagnanakaw.
“Parang inaral niya po kami, mas magaling po kasi siya sumagot tapos marami na rin daw po kasi siyang experience talaga,” ayon sa sekretarya.
Mahigit isang linggo matapos ang pagnanakaw, natunton ng mga awtoridad at naaresto ang suspek sa bahay ng partner nito na nasa loob ng isang subdivision sa Cainta, Rizal.
Modus umano ng suspek na kunin ang loob ng kaniyang bibiktimahin upang magawa ang pagnanakaw sa mapapasukang bahay bilang kasambahay.
“Sa katunayan nga po meron na po siyang warrant of arrest. Marami na po siyang biktima marami pong pumupunta dito at saka tinuro siya," ayon kay Police Colonel Marlon Guimno, Regional Chief, National Capital Region - Criminal Investigation and Detection Group, Regional Force Units.
Ayon pa kay Guimno, kailangan umano ng suspek ang pera dahil mahilig itong magsugal.
Mga Chinese umano ang pangunahing target ng suspek na marunong magsalita ng Mandarin. Pero may mga Pinoy din umano itong biniktima.
Kuwento ng isang nabiktima ng suspek, nag-apply ito na kasambahay at humingi ng pera sa kaniya pero hindi na nagpakita.
“So I’m looking for a kasambahay para sa mama ko sana and then may nag-message sa akin interesado siya, nag-inquire, kaya lang sa Cagayan daw siya malayo so wala daw siyang pamasahe. And then after ko ma-send 'yun nakita ko na lang sa ano hindi ko na siya matawagan,” ayon sa Pinay na biktima.
Nagpapanggap din umanong ahente ng lupa ang suspek na nanghihingi ng pera para magproseso ng mga dokumento ngunit hindi na rin magpapakita.
Tinataya ng mga awtoridad na aabot sa P20 milyon ang kabuuang nakuha ng suspek sa kaniyang mga naging biktima.
Hinikayat ng awtoridad ang iba pang nabiktima ng suspek na magtungo sa kanila para makapagsampa rin ng kaso.
Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek na gumagamit din umano ng iba't ibang pangalan sa mga ID.— FRJ, GMA Integrated News
