Tuloy ang pagdinig ng House Committee on Justice sa dalawang impeachment complaint laban kay Bise Presidente Sara Duterte matapos na ideklara ang dalawang reklamo na “sufficient in substance” nitong Miyerkoles. Nauna nang idineklara ng komite ang dalawang reklamo na “sufficient in form” noong Lunes.

Ang mga impeachment complaint ay inihain nina Fr. Bong Saballa, at iba pa, at ng abogadong si Nathaniel Cabrera.

Parehong nakakuha ng tig-54 na botong "yes" ang mga reklamo sa tanong kung may sapat substansiya. Samantala, isa lang na miyembro ng komite ang bumuto ng "no", at walang abstention.

Inaakusahan sa mga reklamo si Duterte ng pagtataksil sa tiwala ng publiko, paglabag sa Konstitusyon, at iba pa, dahil umano sa maling paggamit ng P612.5 milyong confidential fund, panunuhol, at pagbabanta na papatayin si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at ang pamilya nito.

Bunsod ng pagpasa ng mga reklamo sa porma at substansiya, inaatasan ng komite si Duterte na maghain ng kaniyang tugon sa mga akusasyon laban sa kaniya sa loob ng 10 calendar days.

Bago ang botohan, sinabi ni House Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez ng South Cotabato, na ang pagtukoy sa mga reklamo na “sufficient in substance” ay hindi nangangahulugang may kasalanan na kaagad si Duterte o wala.

“Our vote today is not a verdict of guilt vote of guilt nor an act of condemnation. It is simply a decision whether the constitutional process should move forward,” paliwanag ni Hernandez.

Nilinaw din ni House justice panel chairperson Rep. Gerville Luistro, na ang pagtukoy sa mga reklamo na “sufficient in substance” ay hindi nangangahulugang idinedeklara nang guilty o may kasalanan ang Bise Presidente.

“This is the stage where we ask: Do the allegations rise to the level of impeachable offenses? Do these complaints meet the constitutional threshold to move forward? And [more] importantly, are the allegations credible enough to justify moving forward with the process?” sabi ni Luistro.

“At this stage, we are not determining guilt.” dagdag niya.

Una rito, apat ang inihain na impeachment complaint laban kay Duterte. Ngunit binawi ng Tindig Pilipinas ang pangalawang reklamo para suportahan ang ikatlong reklamo.

Samantalang idineklara naman ng komite na labag sa one-year bar rule ang isa pang impeachment complaint na inihain ni dating ACT Teachers party-list Rep. France Castro.— Lllanesca T. PantiJamil Santos/FRJ GMA Integrated News