Patay at may dalawang tama ng bala sa ulo nang matagpuan sa isang kanal ang isang babae sa Caloocan City. Nagkaroon naman ng komosyon nang pasukin ng mga pulis ang isang bahay kaugnay sa pagtugis nila sa suspek.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, nakuhanan pa sa CCTV camera ang 34-anyos na biktima habang naglalakad sa Durian Street sa Camarín noong Martes ng gabi.
Hindi na nakunan sa CCTV kung saan siya papunta, ngunit sunod na siyang nakita sa isang kanal sa Avocado Street na wala nang buhay at may dalawang tama ng bala ng baril sa ulo.
Hinala ng mga awtoridad na iniwan ng suspek ang bangkay sa kanal matapos barilin.
“Natagpuan na lang namin ‘yung victim doon sa may kanal. 'Yung bangkay na lang po ang na-recover natin doon sa crime scene. Ang tinitingnan natin mga motibo dito is drug related,” sabi ni Police Lieutenant Russelle Fang, OIC ng Camarin Police.
Makalipas ang pamamaril, nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad para hanapin ang suspek. Isang saksi ang nagturo sa isang bahay kung saan umano sinasabing tumakbo ang bumaril sa babae.
Napanood sa mga viral video sa social media na inirereklamo ng uploader ng video ang mga pulis na sapilitan umanong pumasok sa kanilang bahay madaling araw ng Miyerkoles.
Nawasak pa umano ng pulisya ang kanilang gate.
Nakunan din ang mainit na sagutan ng pulisya at ng mga nakatira sa bahay.
“May tinatago ka ba? Ba’t nagagalit ka?” sabi ng isa sa mga pulis sa isang babae.
“Talagang magagalit ako kasi nakakaistorbo po kayo sa amin eh. Tingnan niyo po ‘yung ginawa niyo sa amin. Welcome na welcome kayo riyan. Akyat po kayo riyan, wala pong problema. Tutal, nang-istorbo na rin lang kayo sa amin eh, akyatin niyo hanggang doon. Para namang napaka-kriminal ng hahanapin ninyo,” sabi ng babae.
“Kriminal po talaga! Pumatay po ah, pumatay,” sabi ng isa sa mga pulis.
Dumepensa ang pulisya na walang ilegal sa kanilang ginawang operasyon.
“Pagpasok naman namin ma'am doon sa lugar, open naman po 'yung gate. Wala naman po kaming sinira, wala po kaming nasaktan. Ang hinanap lang po namin doon is ‘yung suspect. Wala pong illegal na nangyari roon kasi hot pursuit 'yung ginawa po namin,” sabi ni Fang.
Nagpaliwanag din sila sa nakuhanan sa isa pang video kung saan may kinakalkal na bag ang isang pulis.
“Tinanong po namin 'yung mga tao doon sa area. Ang sagot nila sa amin ma'am hindi nila pagmamayari 'yung isang bag. Kaya tinignan ng isang kasama ko po 'yung bag kung sino 'yung may-ari noon. Baka andu’n na 'yung baril na ginamit sa krimen pero wala po kaming kinuha ng mga gamit doon,” sabi ni Fang.
“Kung sinabi nilang hindi nila pagmamay-ari, kinuha po namin for verification po kung sino po 'yung nagmamay-ari noon,” dagdag ni Fang.
Naibalik na ang bag sa may-ari na nag-claim nito sa police station nitong Miyerkoles.
Patuloy ang imbestigasyon ng Caloocan City Police sa insidente, at inaalam kung nagkaroon ba ng mga paglabag ang pulisya sa kanilang hot pursuit operation.
Inalis muna sa puwesto ang mga sangkot na pulis habang gumugulong ang imbestigasyon.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kuhanan ng pahayag ang uploader ng mga video at ang iba pang sangkot na pulis.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News