Timbog ang isang lalaking nangholdap umano matapos siyang mahanap ng kaniyang babaeng biktima na sumama sa operasyon ng pulisya sa Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita pati na rin sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nagsagawa ng follow-up operation ang Batasan Police kasama ang biktima na nakamotorsiklo.
Naholdap siya ng lalaki sa IBP Road.
Ilang saglit lang, napahinto sila nang mamataan ng biktima ang suspek na nakatambay sa may hindi kalayuan.
Agad tinungo ng pulisya ang esikinta, at dinakip ang 31-anyos na suspek.
Nakuha sa bag ng suspek ang isang baril na kargado ng mga bala, pati na rin ang ninakaw niyang cellphone na nasa kaniyang baywang.
Positibong tinukoy ng biktima na kanya ang cellphone.
Base sa pulisya, kagagaling lang ng 36-anyos na biktima, isang online seller, sa panonood ng pageant, nang holdapin siya.
Pasakay na ng tricycle ang biktima nang holdapin siya ng suspek sa likod at kinuha ang kaniyang cellphone.
Natuklasang walang kaukulang dokumento ang nakuhang baril mula sa suspek, at ibinigay na ito sa crime lab para sa ballistics examination para matukoy kung nagamit ang baril sa iba pang krimen.
Pangalawang beses na itong naaresto ng suspek. Nadakip na rin siya noong 2017 dahil naman sa kasong may kinalaman sa droga.
Kalalaya lamang ng suspek noong nakaraang taon.
“Dala lang din po ng kahirapan. Ibebenta ko po sana para pambili ng pagkain po. Napulot ko lang po sa mga gamit ng tropa ko po ‘yun,” sabi ng suspek.
Mahaharap ang suspek sa mga reklamong robbery at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in relation to Omnibus Election Code. — RSJ, GMA Integrated News