Naaresto ng pulisya sa ikinasa nilang follow-up operation sa Malabon ang 24-anyos na lalaki na tumangay umano sa nakaparadang motorsiklo sa Quezon City. 

Nakunan pa sa CCTV camera na nasa labas ng bahay ang motorsiklo nang dumating ang isang van sa Brgy. Apolonio Samson. 

Mahigit isang minuto nanatili roon ang van. 

Hindi nahagip ang pagbaba ng mga sakay pero pag-alis ng van ay nawala na rin ang motorsiklo. 

Ayon sa pulisya, nakapag-report agad sa kanila ang may-ari ng motorsiklo. 

“Paggising niya nang medyo maaga pa rin nakita niya na wala na yung motor niya tiningnan niya ngayon sa cctv na malapit sa kanila nakita nga tinangay ito nung may pumaradang van,” ani Police Lt. Col. Gilbert Cruz, ang station commander ng La Loma Police. 

Nabawi sa suspek ang ninakaw na motorsiklo na napag-alamang ibinebenta na rin online. 

“Nataon naman na may nagbebenta na yun na yung motor nung inalam namin nagkatrasaksyon kami nilipat nila kami sa Valenzuela, Caloocan tapos doon din papunta sa Malabon na yon,” dagdag ni Lt. Col. Cruz. 

Hinahanap pa ng Quezon City Police District (QCPD) ang tatlong iba pang suspek.

Inaalam din kung bahagi sila ng mas malaking grupo na ganito ang modus.

“Iniimbestigahan natin yung mga anggulo na ganon kung ito ba ay dati nang nangyayari o bagong modus ng kumukuha tumitira ng mga motor kasi first time sa area namin na may ganong nangyari,” paliwanag ni Lt. Col. Cruz. 

Tumangging magbigay ng pahayag ang naarestong suspek na nasampahan na ng reklamong paglabag sa New Anti-Carnapping Law.

--VAL, GMA Integrated News