May magandang balita na aasahan ang mga motorista sa susunod na linggo dahil sa posibleng bawas-presyo sa mga produktong petrolyo.

“We will be expecting a rollback in the prices of petroleum products by next week based on the four-day trading in MOPS (Mean of Platts Singapore) and relevant news of the week,” ayon kay Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero.

Ang posibleng paggalaw sa presyo ng mga produktong petrolyo ay:

  • Gasolina - rollback ng P0.90 hanggang P1.20 per liter
  • Diesel - rollback ng P0.90 hanggang P1.20 per liter
  • Kerosene - rollback ng P1.30 hanggang P1.50 per liter

Ilan sa mga nakikitang dahilan ni Romero sa pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo ang paghina sa pangangailangan ng Korea sa krudo dahil sa mababang pakinabang sa buwis, at ang mataas na imbentaryo ng refined products sa US.

Kasama rin ang positibong pangyayari sa negosasyon ng Ukraine-Russia war, at ang namumurong singil sa taripa ng US.

“Final adjustments would be determined after the last trading today,” ayon kay Romero.

Inaanunsyo ng mga fuel company ang price adjustments tuwing Lunes, at ipatutupad sa Martes.

Nitong nakaraang Martes, February 25, 2025, tumaas ng P0.70 per liter ang presyo ng gasolina, P0.40 per liter sa diesel, at P0.20 per liter sa kerosene.

Sa taong ito, umangat na ang presyo ng gasolina at diesel sa kabuuang halaga na P4.75 per liter, habang P2.90 per liter naman ang kabuuang nadagdag sa presyo ng kerosene. -- mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News