Mariing itinanggi ni Presidential Communications Office Ad Interim Secretary Jay Ruiz na kasama siya sa may-ari ng Digital8, Inc., ang kompanya na nakakuha ng daang milyong pisong halaga ng kontrata mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

''Malakas ang loob ko humarap sa inyo ngayon, kahit saan tayo magpunta, hindi ako ang may-ari ng Digital8, wala akong kinitang P200 milyon,'' giit ni Ruiz sa mga mamamahayag sa Palasyo nitong Martes.

''Ilalaban natin 'to ... hindi tayo padadaig sa fake news, hinding hindi tayo magpapadaig sa ganitong sistema... We want to change people's mindset. We want to change people's culture,'' dagdag niya.

Tinukoy ni Ruiz ang mga dati ring mamamahayag na sina Gil Cabacungan at Rey Marfil na nasa likod ng mali umanong balita tungkol sa kaniya. Dismayado si Ruiz na hindi umano kinuha muna ang kaniyang panig bago inilabas ang naturang ulat.

''It's basic in journalism, you get both sides. Saan ang balance doon? Where's the fairness?''sabi ni Ruiz.

Nang hingan ng komento ng GMA News Online sina Cabacungan at Marfil, kapuwa nagpahayag ang dalawa ng, "Thanks for reaching out."

Demolition job

Sa hiwalay na press briefing, sinabi ni Ruiz na naging authorized representative lang siya ng kompanya para sa joint venture agreement ng IBC-13, Digital8, Inc., at PCSO.

''I never owned that company,'' giit niya. ''So, parang ginawa lang nila as representative dahil may konting pangalan naman tayo, ginawa akong parang spokesperson ng kumpanya – head ng sales and marketing noong October 2024."

Dagdag niya, "And in January 17 dahil nga may mga iba naman na akong inaayos na negosyo, ako po’y nag-resign sa kumpanya. I never owned a single share of Digital8 so maliwanag po iyan.''

Tanong ni Ruiz, demolition job kaya ito laban sa kaniya.

''On my 8th day ha, 8th day may ganito nang istoryang lumalabas. Ano ‘to demolition job? Fake news ba ‘to? Ano ang dahilan?'' saad niya.

Nagpahiwatig si Ruiz na maaaring may kaugnayan sa magaganap na balasahan sa PCO ang pagpapakalat umano ng ''fake news'' laban sa kaniya.

Kamakailan lang, naglabas ng memorandum si Executive Secretary Lucas Bersamin, na nag-aatas sa lahat ng presidential appointees sa mga ahensiya at tanggapan na nasa ilalim ng PCO na magsumite ng courtesy resignations.

''Mayroon kasing mga mangyayari dito na kinakailangan kong gawin. Mayroong balasahan na mangyayari, may mga… ang utos ng Executive Secretary lahat, from Director up, kailangan magsumite ng courtesy resignations. I don’t know kung bakit… I don’t know—mayroon akong slight na siguro kung bakit nila ginagawa ‘to ano,'' ani Ruiz.

Bagaman iniisip umano ni Ruiz na gumawa ng legal na hakbang, iniisip din niya na maaaring maka-distract ito sa kaniyang trabaho.

''I was contemplating, siyempre iyong una mong reaction ‘di ba file a legal action against these purveyors of fake news. Pero noong naitulog ko. naisip ko baka naman lalo lang tayong ma-distract, ma-distract tayo sa focus na ano ang kinakailangan gawin bilang Presidential Communications Office,'' ani Ruiz.

Idinagdag niya na hindi siya nagsisisi sa pagtanggap niya ng trabaho sa PCO sa kabila ng mga atake sa kaniya.--mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News