Kapag dalagang bukid ang pinag-usapan, madalas na isdang makulay at malaman ang unang papasok sa isip ng mga tao. Pero sa Ibaan, Batangas, hindi sa palengke mabibili ang dalagang bukid, kung hindi sa bakery dahil isa itong uri ng cookies.
Sa nakaraang episode ng “I Juander,” itinampok ang dalagang bukid na cookies na gawa Aguila’s Bakery. Parisukat ang hugis nito, kulay dilaw at masarap daw na iterno sa kape.
Lampas pitong dekada nang gumagawa ng dalagang bukid cookies ang naturang panaderya mula pa noong 1950s.
“Noong una, ipinamana ng lola ko sa tatay ko ‘yung bakery. Pumunta doon sa Amerika ‘yung mga kapatid ng tatay ko. Tatay ko na rin ang natira dito. Tapos hanggang sa magkapamilya ako, ibinigay na sa akin itong bakery,” kuwento ni Limneo Aguila, may-ari ng Aguila’s Bakery.
Pero hindi gawa o walang sangkap na isdang dalagang bukid ang naturang malutong na tinapay.
“‘Yan po ay mayroong red sa gitna, ginuguhitan po siya na red. Sa aking kabataan, ‘Bakit ko kako nilalagyan ng ganiyan?’ Ibig sabihin kako, akala ko kasi ‘pag tinawag na dalagang bukid ay hiturang isda, hindi naman pala. ‘Yun lang pala, similarity lang noong line na ‘yun. Sa katagalan po ng panahon, tinanggal na po talaga nila 'yung line na ‘yun,” paliwanag ng panaderong si Arnold Mayorga.
Sa halagang P10 lamang, makabibili na ng isang balot ng dalagang bukid na 15 piraso ang laman.
Tunghayan sa video ng “I Juander” ang pagsabak ni Empoy para mag-bake ng dalagang bukid cookies. Panoorin.—FRJ GMA Integrated News
