Nostalgia na, pasabog pa ang hatid ng Sexbomb Girls reunion concert na ginanap nitong Huwebes sa Araneta Coliseum.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing napuno ng hiyawan at sayawan ang concert sa paghataw nina Rochelle Pangilinan, Jopay Paguia, Evette Pabalan, Weng Ibarra, Monic Icban at iba pang Sexbomb Girls.
Throwback pa ang hatid nila nang muli nilang kantahin ang ilan nilang hit iconic songs gaya ng “‘Di Ko Na Mapipigilan.”
Bukod dito, nakipag-showdown pa sa kanila ang EB Babes at SexBalls— na grupo nina Michael V., Ogie Alcasid, Wendell Ramos, at Antonio Aquitania.
Guest din sina Dingdong Dantes at Art Solinap, pati na rin ang UE Pep Squad.
Spotted ang ilang Kapuso stars na nanood ng concert tulad nina Andrea Torres at Gabby Eigenmann.
Nakisayaw din ang fans na ipinakitang sila ay “pinalaki ng Sexbomb.”
Gaganapin naman ang ikalawang concert ng Sexbomb Girls sa Disyembre 9 sa SM Mall of Asia Arena.
Sumikat ang Sexbomb nang araw-araw silang mapanood noon sa isang noontime show. Kalaunan, bumida ang Sexbomb Girls sa afternoon series na "Daisy Siete," at nanguna pa sila bilang mga recording artist.-- Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
