Emosyonal na ikinuwento ng isang overseas Filipino worker (OFW) kung papaano niya nagawang iligtas ang alaga niyang bata na dalawang-taong-gulang at among senior citizen nang maganap ang malagim na sunog na apartment complex sa Hong Kong noong Nobyembre 26 na ikinasawi ng mahigit 150 katao. Ang naging sandigan niya para makalabas sa nasusunog na gusali, ang kagustuhang makita at makapiling pa ang mga anak niya sa Pilipinas.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabi ni Vame Mariz Verador, na nasa ika-17 palapag sila ng isa sa pitong apartment building na natupok sa Tai Po District, nang mangyari ang trahediya.
Upang makalabas ng gusali, sa hagdan umano sila dumaan habang karga niya ang bata, at akay sa likuran niya ang lola ng bata.
Ayon kay Verador, nagbabagsakan na noon ang bamboo scaffolding at umaapoy ang mga net na ibinalot sa mga building na ginamit sa renovation. May mga bato rin na nagbabagsakan na may kasamang apoy.
“Sabi ko ‘di puwede [na] ‘di ako makalabas dito, kailangan naming mabuhay,” saad niya.
Pagsapit nila sa ika-15 palapag, naamoy na raw niya ang usok at doon na siya nagsimulang mag-panic.
Sa kabila ng takot, nagpakatatag si Verador sa kagustuhang mabuhay para sa kaniyang pamilya na nasa Pilipinas.
“Nanginginig na talaga ako pa-down…sabi ko kailangan kong umuwi ng Pilipinas para sa mga anak ko. Gusto ko pang makita ang mga anak ko. Hindi puwedeng dito ako mamatay. Kailangan kong umuwi, at iligtas yung bata,” sabi ng OFW na hindi napigilan ang sarili na maiyak nang balikan ang kanilang pinagdaanan.
Habang pababa nang pababa sila hagdan, mas tumitindi umano ang naramdaman nilang init lalo na nang makarating na sila sa ikalimang palapag, at tumindi na ang pag-iyak ng bata.
Sa kabutihang-palad, ligtas silang nakalabas ng gusali at laking gulat niya nang makita na natupok na pala ang buong katabi nilang apartment building.
“Natulala ako, hindi ako makagalaw," sabi ni Verador.
Halos wala rin daw natira sa gusaling pinanggalingan nila.
Nang matiyak niyang ligtas na sila, naiyak daw siya sa tuwa dahil inakala niyang katapusan na nila.
“Akala mo ‘di ka na mabubuhay, ’di ka na uuwi ng Pinas at [di] makikita anak mo. Doon ako sobrang umiyak nang nakita ko na ubos na yung dalawang building. Kaya thankful [ako] kay God na binuhay mo pa ako,” sabi ni Verador.
Nakaligtas din sa naturang trahediya ang OFW na si Rowena Paril at ang kaniyang amo. Nasa ikasiyam na palapag naman sila ng isa pang gusali nang mangyari ang sunog.
Nagpapasalamat si Paril sa amo niyang lalaki na tumawag sa kaniya kaya nalaman nila ang nangyayaring sunog sa complex at nakaalis agad sila.
“Siguro kung hindi tumawag si sir sa akin patay talaga ako. Kasi may kapitbahay kaming namatay. Wala kaming narinig, walang kaming signal na may sunog pala,” ayon kay Paril.
Isang OFW na si Maryan Pascual Esteban, ang kabilang sa mga nasawi sa sunog. Kabilang naman ang OFW na si Rhodora Alcaraz, sa mga nasugatan, na sinikap na mailigtas ang alaga niyang sanggol. – FRJ GMA Integrated News
