Nagluluksa na may halong takot ang isang pamilya sa pagpanaw ng isang 11-anyos na lalaki matapos itong malunod sa isang ilog sa San Jose del Monte, Bulacan. Ang “halimaw” na tila may mahabang buhok at itim na mga mata na humila umano sa mga bata, nakuhanan ng larawan?
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ikinuwento ng inang si Jossie Abitan Daaco, na isang araw nang magpaalam sa kaniya ang anak na si Carlo o Loy na pupunta lamang ito sa mga kaklase nito.
“Sabi po ng isa kong ka-classmate, maliligo daw po sila. Ayaw namin sumama kasi muntikan na rin po kami malunod du’n eh. Nagbabato lang po ako ng tubig habang 'yung ibang ka-classmate tumalon na po,” kuwento ni Renz Adrian Union, pinsan ni Carlo.
Hanggang sa hindi na nakatiis at nakiligo na rin si Carlo. Ayon kay Renz, lumangoy ang kanilang mga kaibigan papunta sa gitna ng ilog. Laking gulat na lamang nila nang biglang gumuho umano ang batong kanilang kinatatayuan
“'Yung bato daw po naging buhangin po. Hinatak po sila. Makikita po si Carlo na nagpipigil. Hindi po siya makaalis kasi po 'yung buhangin nanghahatak po eh,” salaysay ni Renz.
Nakalangoy pabalik sa pampang ang dalawang kaibigan nina Renz, pero bigong makaahon si Carlo.
Dahil dito, nagsagawa ng rescue ang team nina Jose Lumba ng CDRRMO San Jose Del Monte Bulacan para hanapin si Carlo, ngunit wala silang makita.
Tumulong na ang mister ni Jossie na si Ronaldo Union sa rescuers at sumisid sa ilog na nasa 15 feet ang lalim.
“Itataya ko ang buhay ko. Para sa aking anak makita ko lang. Pinipilit kong makaikot ng ikot na gumagapang para ‘yung anak ko masalag ko man lang,” ani Ronaldo.
Ngunit lumalim ang gabi at naging delikado ang paghahanap kay Loy kaya ipinagpabukas na ito ng mga awtoridad.
Kinaumagahan ipinagpatuloy ang paghahanap kay Loy. Pasado 10 a.m. nang makapa na ng isa sa mga rescuer ang katawan ni Loy. Pero nahirapan sila itong iahon dahil naipit umano ito sa ilalim.
At nang tuluyan na nila itong maiahon, matigas ang katawan ng bata pero hindi pa bloated.
“Masakit na parang hindi ko kakayanin. Sabi ko, bakit 'yung anak ko pa, ang bata-bata? Doon na gumuho 'yung mundo ko,” sabi ni Ronaldo.
Gayunman, ipinagtataka nina Jossie at Rolando na hindi bloated at tuyot na tuyot ang katawan ng kanilang anak. Mistulang nag-iba rin umano ang mukha ni Loy, na humaba ang buhok at lumapad ang mukha, ayon kay Jossie.
Kalaunan, nagsimulang kumalat sa mga group chat ang isang litrato ng isang nilalang umano sa may ilog na nakasilip habang may naglalarong grupo ng mga bata.
Naniniwala ang kabarangay nilang si Victoria Bacolod na ang nilalang din umano ang may kagagawan kung bakit nalunod din noong taong 2018 ang 11-anyos niyang anak noon na si Vladimir.
“Magkakasama ang mga bata, sila nga po ay nagkasayahan. At 'yung anak ko po naitulak. Kasawiang palad, namatay. Sabi po nila may engkanto daw po na nag-anyaya sa mga bata para maligo doon. Ang ending po ‘yun, namamatay po sila,” sabi ni Victoria.
Ang larawan kung saan nakunan ang pinaniniwalang engkanto o nilalang umano, malapit lang sa kung saan din nalunod si Vladimir. Nakunan ito bago pa man ang insidente ng pagkalunod ni Carlo.
Hinanap ng team ng KMJS ang mga nasa litrato, ngunit tumangging magpaunlak ng panayam ang lalaking kumuha nito.
Ngunit si Shann Michael Abesamis na isa sa mga kasama sa litrato, ikinuwentong mainit noon kaya nagpasiya silang magkakaibigan na maligo.
“Pinost po agad ni tita 'yung picture. Nakita niya po na parang may batang nakasilip po du’n. Imposible po na kasama namin 'yung na-picture na babae. Si tita lang po 'yung babae namin kasama nu’n. Wala naman po na marunong mag-edit sa amin nu’n. Kung sasabihin naman po nilang AI, wala po pong AI nu’ng time na ‘yun,” sabi ni Shann.
Nilinaw din ni Shann na hindi nakuhanan ang litrato isang araw bago malunod si Loy, dahil kuha ito noon pang Enero 17, 2022 pa.
“Hindi po ako naniniwala na elemento 'yung nasa ilog. Kasi po parang bato lang po siya na may nakapatong na plastic na itim,” ayon kay Shann.
Ngunit si Ronaldo, malakas ang paniniwala na isa itong nilalang.
“May bato bang ganu’n? Wala. Naniniwala ako na mayroon talaga doong elemento. Hindi siya edited,” anang ama ni Loy.
Tunghayan sa KMJS ang paliwanag ng isang multimedia artist kung edited o AI-generated nga ba ang lumitaw na larawan ng “nilalang” o isa lamang psychological phenomenon? May paliwanag din ang isang doktor kung bakit hindi agad naging bloated ang katawan ni Loy kahit nalunod ito. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News
