Isang 69-anyos na lalaki na may kasong murder ang pinalabas ng kaniyang pamilya na patay na, ngunit nadakip sa Quezon City matapos ang halos 31 taong pagtatago.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing isinilbi ng Valenzuela Police noong Sabado ang arrest warrant sa senior citizen, na akusado sa pagpatay sa isa niyang kamag-anak.
Ayon naman kay Police Colonel Nixon Cayaban, Chief of Police ng Valenzuela City Police Station, number 2 na top most wanted ang suspek sa Valenzuela.
Naganap ang krimen sa Valenzuela noon pang 1994, ayon sa pulisya.
“Isang krimen na halong mga parang magkakamag-anak sila. Talagang 'yung krimen ay pagkakaroon talaga ng hindi pagkakaunawaan doon sa magkakamag-anak,” sabi ni Cayaban.
Sinabi ng pulisya na pinalabas na mga kaanak na patay na ang akusadong si alyas “Badok.”
Ngunit gamit ang social media, nakumpirmang buhay pa pala ang akusado at nagtatago lang sa Quezon City.
Isa pa sa mga kasamahan ni alyas “Badok” ang nadakip Enero noong nakaraang taon.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang akusado.
Ayon sa pulisya, inilabas na ng korte ang commitment order sa akusado na nasa kustodiya na ng Valenzuela BJMP. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
