Nakunan sa CCTV ang pagtangay ng isang kawatan sa cellphone ng isang lalaking lasing umano sa labas ng isang KTV bar sa Quezon City. Ang arestadong suspek, parte ng grupo na madalas mambiktima ng mga lasing.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood na nakaupo lang ang biktima at kinakausap pa ng tatlong lalaking nakatambay din sa labas ng KTV bar pasado 2 a.m. ng Huwebes sa Barangay Doña Imelda.

Ilang saglit lang, inilabas na ng lalaki ang kaniyang cellphone, habang may lalaking naka-long sleeves na pumunta sa kaniyang likuran at tila nagmasid-masid bago umupo sa sahig.

Tumayo na ang lalaking may hawak ng cellphone, ibinulsa ito at sumakay ng motorsiklo.

Ngunit sumunod ang lalaking naka-long sleeves at umaktong aangkas sa motor. Hanggang sa bigla niyang tinangay ang cellphone sa bulsa ng lalaki.

“Maraming grupo ‘yan, hindi lang 'yung nasa CCTV. Marami 'yan sila, iba-ibang edad. Ang madalas diyan, ang ginagawa kasi nila diyan, kunwari manlilimos, tapos ‘pag nakatiyempo sila, nanakawin nila kung anong pwedeng nakawin,” sabi ng tauhan ng KTV bar.

Pumunta ng barangay ang lalaki para magsumbong.

“Nagpunta nga rito, medyo lango-lango talaga sa alak. 'Yung nagreklamo, nagwawala siya dahil hinahanap niya 'yung cellphone niya dahil inagaw. At 'yung mga ganiyan kasi mga usapin, 'pag alam nila na lasing na 'yung mga ganiyang tao, 'yan na po 'yung pagkakataon nila na ninanakawan,” sabi ni Kagawad Jose Mari Caduco ng Barangay Doña Imelda.

Humingi rin ng tulong ang barangay sa kapulisan, at nahuli ang suspek pagkaraan ng ilang oras sa kalapit na barangay.

Ang suspek ay bahagi umano ng grupo na mga kawatan na madalas mambiktima sa Araneta Avenue, lalo sa malapit sa mga KTV bar, ayon sa opisyal ng barangay.

“Lagi, gabi-gabi, minsan minor de edad 'yung pumupunta rito. Nape-perwisyo rin kami kasi 'yung mga customer din namin hindi na bumabalik kasi 'yung iba nadadala, hindi na pumapasok,” sabi ng isang staff.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kunin ang panig ng pulisya at ng suspek, na nakakulong na sa Galas Police Station, ayon sa barangay. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News