Nasawi ang apat katao matapos sumiklab ang sunog sa isang residential area kaninang madaling araw sa Barangay Longos sa Malabon City.

Sa ulat ni Allan Gatus sa Dobol B TV, sinabi ng isa sa kaanak ng mga biktima na kabilang sa mga nasawi ang kapatid niyang 38-anyos na person with disability, isang 35-anyos na lalaki, 25-anyos na babae, at 9-anyos na pamangkin.

Una silang napaulat na nawawala sa Block 15 ng nasabing barangay.

Ayon sa Bureau of Fire Protection - National Capital Region (BFP-NCR), nagsimula ang sunog bandang 3:45 a.m. na iniakyat sa unang alarma bandang 3:52 a.m.

Idineklara itong fire out bandang 6:52 a.m.

 

 

Sa kabuuan, nasa 10 pamilya o 41 indibiduwal ang naapektuhan ng sunog.

Nadamay ang anim na bahay sa pinangyarihan ng sunog.

Nagsagawa ng karagdagang imbestigasyon ang SOCO sa pinangyarihan ng sunog.

Hindi pa naglalabas ang mga awtoridad ng impormasyon kaugnay sa sanhi ng sunog at ang halaga ng mga nasirang ari-arian.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News