Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki na nakainom umano matapos niyang sunod-sunod na sinapak ang kaniyang dalawang taong gulang na anak sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV sa Barangay 4 na ilang beses sinapak ng tatay ang kaniyang anak habang karga-karga niya ito.

Pagkarating nila sa pila ng tricycle sa tapat ng Plaza Hernandez, makikitang tila hinagis pa ng tatay ang bata sa loob ng tricycle.

Nadakip ang lalaki sa isinagawang follow-up operation ng pulisya sa kaniyang bahay sa Barangay 107.

Inilahad ng pulisya na may problema ang mag-asawa at napagbalingan ng tatay ng galit ang anak.

Umamin din ang suspek na nakainom siya nang magawa ang pananakit sa anak.

Nakabilanggo na ang suspek na mahaharap sa reklamong child abuse.

Nagpapagaling ang biktima matapos magkaroon ng mga pasa sa mukha. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News