Inihayag ni Senador Ronald "Bato" dela Rosa na ikinukonsidera niyang magtago at huwag sumuko sa mga awtoridad kapag naglabas din ng arrest warrant laban sa kaniya ang International Criminal Court (ICC).

"Well, kung wala tayong makita na hustisya dito sa ating bansa, bakit ka susuko? 'Di ba?" sabi ni dela Rosa sa mga mamamahayag nitong Miyerkules.

"Kasama 'yan sa kino-consider natin. Kasama 'yan sa courses of action na puwedeng gawin," dagdag niya.

Nang tanungin kung may balak siyang taguan ang mga awtoridad, sabi ng senador: "Kasama 'yan, kasama 'yan. Kasama 'yan sa courses of action natin."

Kaugnay nito, pinasalamatan ni Dela Rosa si Senate President Escudero dahil sa pahayag nito na puwede siyang manatili sa Senado habang naghahanap siya ng legal na paraan kaugnay sa kakaharaping problema.

“I thank the Senate President that he's willing to protect me while I am still a Senator of this Republic. It shows that the Senate, as an institution, stands for what is right," sabi ni dela Rosa.

Pero paglilinaw niya, "Hindi ko naman sinasabi na forever akong mag-standby dyan [sa Senad]. So, meron pa ring ah kwan, meron pa, hanap pa rin tayong ibang courses of action na pwedeng gawin,"

Si Dela Rosa ang dating hepe ng Philippine National Police, nang ipatupad ang naturang kampanya ni Duterte laban sa ilegal na droga.

Una rito, sinabi ni Dela Rosa na handa siyang samahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa piitan ng ICC sa The Hague kapag may arrest warrant din na inilabas laban sa kaniya.

"If all legal remedies are exhausted and still justice is to no avail, then I don’t want my family to suffer from cops looking for a heartbeat," saad ng senador sa post matapos arestuhin si Duterte noong nakaraang linggo.

"I am ready to join the old man hoping that they would allow me to take care of him," patuloy niya.
Inaakusahan si Duterte ng crime against humanity sa ICC dahil sa dami ng mga namatay sa kaniyang kampanya na war against drugs.

Pero nitong Miyerkoles, sinabi ni Dela Rosa na hindi siya sigurado kung makakasama niya si Duterte sa piitan kung magpapaaresto siya.

"Paano ako makapag-demand ng time na para makasama doon o makiusap na pareho naman kaming detainee... Mukhang mahirap dahil nga sa experience ngayon nila doon, yung mga nandoon ngayon sa the Hague," saad niya. —FRJ, GMA Integrated News