Nasawi ang isang 54-anyos na lalaki matapos pagsasaksakin sa isang palengke sa Quezon City.
Naisugod pa sa ospital ang biktimang caretaker ng palengke pero idineklarang dead on arrival.
Nagtamo siya ng mahigit sa labingtatlong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad na naaresto ng pulisya ang 27-anyos na suspek na helper sa palengke.
“Narinig na lang nitong ating witness na may isang malakas na pagsigaw at nu'ng kanyang tiningnan, nakita niya ang suspek na walang habas na pinagsasaksak itong ating biktima," ani Police Lieutenant Colonel Romil Avenido, ang station commander ng Batasan Police.
"First attempt ay naagaw nitong biktima 'yung hawak ng suspek na tactical knife so hindi inakala ng biktima na may isa pa palang hawak na patalim itong suspek,” dagdag niya.
Nabawi mula sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang patalim na ginamit ng suspek.
Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na ilang beses nang nagtalo ang dalawa.
Ang dahilan ay sinisita umano ng biktima ang suspek tuwing itatali niya ang alagang manok malapit sa puwesto ng biktima.
“Ang nakikita po natin dito ay personal grudge kung kaya nagawa niya itong pananaksak. Pagkakuwento nitong suspek ay araw-araw siyang pinagsabihan nang hindi maganda nitong ating biktima,” dagdag ni Avenido.
Kalalaya lang ng suspek noong nakaraang taon dahil sa mga kasong frustrated murder at physical injuries.
Ngayon ay mahaharap siya sa reklamong murder.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na nakakulong sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa Camp Karingal. — BAP/KG, GMA Integrated News