Ang real estate magnate na si Manuel “Manny” Villar Jr. ang nanguna sa 15 Pilipino na nakasama sa Forbes’ Billionaires 2025 list. Noong 2024, bumaba sa ikatlong puwesto ang dating senador.

Sa listahan ng Forbes, lumago sa $17.2-billion nitong April 1, 2025, ang yaman ng 75-anyos na si Villar, mula sa $10.9-billion na nakalista noong 2024. Siya ang pinakamayaman ngayon sa Pilipinas, at pang-117 sa buong mundo.

Nakasaad sa Forbes na si Villar ang “chairman of property developer Vista Land & Lifescapes run by his son Manuel Paolo.” Ang pinakamalaking asset niya ay ang mga sapi sa Golden MV Holdings (dating Golden Bria).

Sumunod naman kay Villar ang International Container Terminal Services Inc. (ICTSI) chair na si Enrique Razon Jr. na $10.9-billion net worth, na pang-227th richest person sa mundo.

Noong 2024, pangalawa si Razon sa pinakamayamang Pinoy na may $11.1-billion net worth.

Ikatlo sa listahan si San Miguel Corp. (SMC) chairman Ramon Ang na may $3.7-billion net worth. Nakalista siya na pang-979th richest man sa mundo.

Pang-apat naman ang 90-anyos na si Lucio Tan, na founder and chairman ng LT Group na tinatayang may net worth na $3-billion.

Magkakasunod naman ang magkakapatid na Sy -- na sina Henry Sy Jr. ($2.3-billion) na co-vice chairman ng SM Investments, (ang conglomerate na itinayo ng namayapa nilang ama na si Henry Sy Sr.,) Hans Sy ($2.2-billion), Herbert Sy ($2.1-billion), Harley Sy ($1.9-billion), Teresita Sy-Coson ($1.9-billion) at Elizabeth Sy ($1.7-billion).

Noong 2024, nanguna sa listahan ng Forbes ang magkakapatid na Sy sa kanilang pinagsama-samang yaman noong nakaraang taon na $13 billion.

Nasa listahan din ng pinakamayamang Pinoy sina Andrew Tan, na chairman ng Alliance Global ($1.6-billion); Lucio Co at asawa niyang si Susan, na nasa likod ng Puregold Price Club, ($1.4-billion) at ($1.3 billion); Jollibee Foods Corp. (JFC) chairman and founder Tony Tan Caktiong ($1.3 billion); at STI Education Systems Holdings chair Eusebio Tanco ($1.2-billion).

Sa buong mundo, si Elon Musk ang pinakamayaman na tao na may net worth na $342-billion. Sumunod sa kaniya si Mark Zuckerberg ng Meta ($216-billion) at Jeff Bezos ng Amazon (P215-billion). —FRJ, GMA Integrated News