Nasawi ang isang motorcycle rider na nanghablot ng cellphone, matapos siyang sadyang banggain umano ng may-ari gamit ang kotse nito sa Barangay Zapote, Las Piñas City. Ang driver ng kotse, sumuko.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapaanonood ang CCTV footage ng matulin na paghahabulan ng motorcycle rider at isang nakakotse, pasado 12 a.m. ng Martes.
Kalaunan, nasalpok ng kotse ang motorsiklo.
Ayon sa isa sa mga saksi, sinadya ng driver ng kotse na banggain ang rider matapos nitong hablutin ang kaniyang cellphone.
“Naglakad po ako papunta po rito. Bigla pong hinablutan ng cellphone ‘yung nakakotse ng nakamotor po. May nakapagsabi po, holdaper po talaga ‘yun. Marami na po talaga ‘yung hinablutan ng cellphone. Sakto mga madaling araw naggigitgitan silang dalawa,” sabi ng isa sa mga saksi.
Nag-agaw buhay ang rider habang nasa bangketa at pumanaw kalaunan, ayon sa kumpirmasyon ng isa pang saksi.
“Nakita ko, nakahandusay na lang po ‘yung binunggo. Sabi ng may-ari ng nakabunggo na kotse is hinablutan daw po siya ng cellphone kaya po niya hinabol at binunggo para makuha ‘yung cellphone. Noong nabunggo po niya, doon po niya nakita at nakuha ‘yung cellphone. Sa kaniya rin po pala ‘yung cellphone. Pinakita rin po niya sa mga taong nandito noon na cellphone po niya talaga ‘yung kinuha nu’ng binunggo niya,” sabi ng isa pang saksi.
Sumuko sa mga awtoridad ang driver ng kotse makaraan ang pangyayari at nasa kustodiya na ng pulisya.
Tumangging magpa-unlak ng panayam ang pulisya kaugnay nito habang nagsasagawa ng imbestigasyon. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
