Arestado ang 22-anyos na lalaking lider umano ng criminal group sa ikinasang drug buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Batasan Hills, Quezon City.
Nakuha mula sa suspek ang 60 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P408,000.
Bukod sa droga, may nakita ring baril na kargado ng mga bala sa sling bag ng suspek.
“Malaki ang transaksiyon niya kasi mababa sa limang gramo ang binebenta niya sa mga parokyano niya. Ang area of operation niya is dito sa may Batasan, Commonwealth at saka 'yung mga nearest barangay. Ang mga parokyano niya, kadalasan mga pedicab driver, mga driver at siyempre mga small street level individuals natin na mga user na nakakakilala sa kanya,” ani Police Captain Glenn Gonzales, deputy station commander ng Batasan Police.
Ayon sa pulisya, hindi lisensiyado ang nakuhang baril mula sa suspek.
Isasailalim ito sa ballistics examination para malaman kung nagamit sa ibang krimen.
“Base rin sa imbestigasyon namin, ang taong ito ay lider ng isang grupo na sangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga at robbery dito sa lugar na ito,” dagdag ni Gonzales.
Dati nang naaresto ang suspek dahil sa panghoholdap.
Pangatlong beses naman niyang makukulong dahil sa kasong may kinalaman sa droga.
“No comment na lang po ako, sir,” tugon ng suspek nang tanungin tungkol sa nakuhang droga at baril sa kanya.
Itinanggi naman niyang miyembro siya ng criminal group.
Nasampahan na ang suspek ng mga reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in relation to Omnibus Election Code. —KG, GMA Integrated News
