Isang babaeng 16-anyos ang salitan umanong hinalay ng tatlong suspek na kaniyang kaeskuwela na Grade 12 students matapos ang inuman sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News “Saksi” nitong Lunes, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Emmanuel Gomez, station commander ng Baseco Police Station, na ka-chat ng biktimang Grade 11 student ang isa sa mga suspek na nag-aya ng inuman.
Nagsimula umano ang inuman ng 11 p.m. noong April 6 at natapos ng 2 a.m. sa sumunod na araw.
Batay umano sa kuwento ng biktima, nakatulog siya dahil sa labis na kalasingan at nang magising, may humahawak na sa kaniyang mga kamay at may humahalik sa kaniya.
Kasunod nito ay salitan na siyang hinalay ng mga suspek.
Nagawa raw makatakas ng biktima nang makatulog ang mga suspek at nagtungo siya sa bahay ng isang kaibigan.
Naaresto ang mga suspek sa isinagawang follow-up operation. Tumanggi silang magbigay ng pahayag.
Mahaharap ang tatlong suspek sa kasong rape na pawang nakadetine. --FRJ, GMA Integrated News
