Isang 28-anyos na buntis, patay matapos pagsasaksakin at iwan sa basurahan ng kanyang live-in partner sa Maynila. Ang suspek, dating nasangkot sa hostage taking sa Recto noong Pebrero.
Aakalain mong magtatapon lang ng basura ang isang tricycle na nag-counterflow sa kahabaan ng Juan Luna Street sa Tondo, Maynila nitong Martes ng madaling araw.
Pero, ang kaniya palang iniwan sa basurahan ay isang tao.
Ayon sa barangay, ni-review nila ang CCTV sa lugar at agad din nilang nalaman ang pagkakakilanlan ng suspek.
Kinausap pa raw siya ng isa sa mga kagawad ilang oras bago mangyari ang krimen.
Inireklamo kasi siya ng kaniyang nanay dahil sa pang-aaway nito sa kaniyang kapatid.
Matagal na rin umanong problema ng barangay ang 45-anyos na suspek na pabalik-balik na sa kulungan dahil sa iba't-ibang kaso.
“Kaya nung napanood ko nga tapos sabi nga dun may nakitang babae dun patay, kako si Jong jong yan,” ani Kagawad Arnold Alarcos. “Kinaumagahan wala na siya riyan, nagtago na.”
Ang biktima sa krimen, isang 28-anyos na babae na limang buwang buntis at live-in partner ng suspek.
Sabi ng barangay, sinubukan pang isugod sa ospital ang biktima pero hindi na siya umabot nang buhay.
Makalipas ang isang araw, agad din natunton sa follow up operation ng mga awtoridad ang suspek sa Baliuag, Bulacan kasama ang kaniyang 2-taong gulang na anak.
Dito napag-alaman na ang suspek sa kkrimen ang siya ring suspek sa isang hostage-taking na naganap sa Recto noong nakaraang Pebrero.
“Bigla na lang lumutang dito yan, di namin alam kung ba't siya lumaya, wala na kaming alam dun,” ani Alarcos. "Kasi yung tao parang aburido eh, siguro inaano siya ng pera o kaya sa kapatid niya dahil may pera siyang hinihingi sa kapatid niya na ayaw ibigay.”
Sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng sa loob mismo ng tricycle pinagsasaksak ng suspek ang biktima kung saan kasama pa nito ang kaniyang anak.
Sinusubukan pa siyang makuhanan ng GMA Integrated News ng pahayag. Pero base sa kaniyang salaysay sa mga pulis, pinagdududahan niya ang biktima niya na may ibang lalaki kaya niya umano nagawa ang krimen.
Hawak na ng Homicide Section ng Manila Police District ang suspek na mahaharap sa reklamong murder.
Sinubukan din namin makipag-ugnayan sa nanay ng suspek pero sinabi niya na wala siyang alam sa nangyari. — BAP, GMA Integrated News
