Isang mag-ina na bibili lang sana ng pagkain ang natangayan ng cellphone at wallet ng isang holdaper sa Barangay San Agustin, Malabon.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV footage ang paglabas ng babae at 5-anyos niyang anak Martes ng hapon para bumili ng pizza sa tindahan.
Hawak ng ina ang kaniyang wallet at cellphone habang naglalakad.
Makaraan ang ilang minuto, nakitang umiiyak na habang tumatakbo pabalik ang mag-ina na wala na ang kaniyang wallet at cellphone.
“Paglabas po namin doon sa may eskinita na iyon, bigla na lang po inano ng lalaki. Hindi na po ako nakakilos, makasigaw dahil hawak niya po 'yung anak po. Sabi niya sa akin, ibigay ko raw 'yung wallet ko, 'yung mga dala ko kung ayaw ko raw masaktan 'yung anak ko. Ginawa ko po, binigay ko na lang po para makuha ko 'yung anak ko. Wala naman po siyang nilabas eh. Parang ginawa niya na lang sandata 'yung anak ko,” sabi ng ina.
Tumakbo ang lalaki dala ang tinangay niyang cellphone at wallet, bago sumakay sa motorsiklo at tuluyang tumakas.
Humingi ng tulong ang mag-ina sa mga kapitbahay at tauhan ng barangay.
Sinabi ng barangay na tila hindi lang ang mag-ina ang target ng lalaki.
Batay sa backtracking ng mga awtoridad sa CCTV, nakuhanan ang lalaki na naglalakad sa General Luna Street bago ang insidente.
Bumili pa ng sigarilyo sa tindahan ang lalaki saka naglakad-lakad bago tumambay sa bungad ng eskinita.
Kalaunan, may nakita siyang lalaking nagse-cellphone.
“Pinakita siya na naglalakad na may cellphone, pumasok sa eskinita. Sinundan niya ‘yun. Kaso hindi ‘yun ang naholdap niya. Ang naholdap niya 'yung mag-ina,” sabi ni Arturo Payumo ng Barangay San Agustin Ex-O.
Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa salarin. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
