Inalis sa puwesto si Police Brigadier General Elmer Ragay bilang hepe ng Anti-Kidnapping Group (AKG) kasunod ng nangyaring pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que, ayon sa Philippine National Police (PNP).

“We would like to confirm na-relieved po as Director AKG si General Elmer Ragay,” sabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo sa mga mamamahayag nitong Huwebes.

Ayon kay Fajardo, hindi kontento si PNP chief Police General Rommel Marbil sa trabaho ni Ragay bilang AKG chief.

“Ito lang po ang pinapasabi ni Chief: He is not satisfied with the performance. That is why he (Ragay) was relieved and replaced,” dagdag ni Fajardo.

Pumalit kay Ragay sa puwesto si Police Colonel David Poklay, na nagsisilbing deputy director for operations ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Nitong Miyerkules nang makita ang mga bangkay ng negosyanteng si Anson Que, at kaniyang driver na Rodriguez, Rizal.

Nakita ang kanilang duguang bangkay at brief lang ang suot ilang araw matapos silang dukutin.

Ayon sa Police Regional Office 4A (PRO 4A), isang concerned citizen ang nakakita sa bangkay ng mga biktima sa Sitio Udiongan, Barangay Macabud dakong 6 a.m.

“The two bodies were placed in a nylon bag, tied with nylon rope, and their faces were wrapped with duct tape,” ayon kay PRO 4A public information office chief Police Lieutenant Colonel Chitadel Gaoiran.

Nitong nakaraang Pebrero, inalis din sa puwesto si Ragay dahil sa kontrobersiya sa nangyaring "rescue operation" sa isang menor de edad na Chinese kidnap victim.

Pero ibinalik si Ragay sa puwesto matapos bawiin ang kautusan dahil sa regulasyon sa panahon ng kampanya. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News