Binaril habang nangangampanya nitong Huwebes ang dating self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa na tumatakbo ngayong alkalde sa Albuera, Leyte.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras," sinabi umano ng kapartido ni Espinosa na si Carl Kevin Batistis, na nangyari ang pamamaril kaninang 4 pm sa Barangay Tinag-an.

Inihayag naman ng hepe ng Philippine National Police-Eastern Visayas na dinala sa Ormoc hospital si Espinosa na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa balikat.

Ayon sa pulisya, nasugatan din sa insidente at dinala sa opisyal ang kapatid ni Espinosa na si Mariel Espinosa-Marinay, na tumatakbong vice mayor, at isa pang menor de edad.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagtago ang suspek sa kisame ng stage kung saan ginagawa ang kampanya.

 

 

Nakaupo at naghihintay umano si Espinosa na magtalumpati nang mangyari ang pamamaril.

Wala pang detalye sa kaniyang kalagayan, at hindi pa tukoy kung sino ang salarin.

Si Espinosa ay anak ni dating Albuera mayor Rolando Espinosa na binaril at napatay ng mga pulis habang nakakulong sa Baybay sub provincial jail noong November 2016 matapos umanong manlaban.

Kasama ang nakatatandang Espinosa sa listahan ni dating pangulong Rodrigo Duterte ng mga politiko na sangkot umano sa ilegal na droga.

Bagaman inamin noon ng nakababatang Espinosa na sangkot siya sa ilegal na droga, binawi niya ito sa isang pagdinig ng House Quad Committee (QuadComm) noong Oktubre 2024.

Inihayag din niya sa naturang pagdinig na pinilit lang umano siya ni dating Philippine National Police chief at ngayo'y senador na si Ronald "Bato" dela Rosa, na idawit sina dating senador Leila de Lima at negosyanteng si Peter Lim sa illegal drug trade.

Itinanggi naman ni dela Rosa ang pahayag ni Espinosa na tinawag niyang sinungaling. 

Isa-isa namang ibinasura ng korte ang mga kaso sa nakababatang Espinosa. -- FRJ, GMA Integrated News