Pitong pulis ang isinailalim sa kustodiya ng pulisya matapos maging persons of interest sa nangyaring pamamaril kay Albuera, Leyte mayoral candidate Kerwin Espinosa. Hinala ng pulisya, sniper ang bumaril sa kontrobersiyal na kandidato.

“Meron po ngayon na under custody na pitong pulis po at iniimbestigahan whether or not may kinalaman po sila dito sa nangyaring pamamaril po kay Ginoong Espinosa,” pahayag sa press briefing ni Police Brigadier General Jean Fajardo, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes.

Ayon kay Fajardo, nakita ang mga pulis na naka-sibilyan sa loob ng isang compound kung saan nagpunta ang getaway vehicle sa sinundan sa hot pursuit operation.

“Nagsagawa po tayo ng pursuit operation dahil may isa po tayong motor vehicle in interest, isa pong Montero, na diumano umalis po kaagad doon sa site noong mangyari po yung insidente,” ani Fajardo.

“Nasundan po ito kaagad. Pagpasok po ng compound may naabutan po doon na mga pulis po,” patuloy ng opisyal.

Nakatalaga ang mga naturang pulis sa Ormoc City Police Station, ayon kay Fajardo. Dalawa sa kanila ang opisyal at non-commissioned officers naman ang lima.

Dalawang sasakyan ang nakita sa compound, at nakita sa mga ito ang ilang baril.

Huwebes ng hapon dakong 4:30 p.m. naghihintay si  Espinosa sa kaniyang oras para magtalumpati sa entablado nang barilin siya ng nakatakas na salarin.

Nagtamo siya ng tama ng bala sa ibabang bahagi ng balikat pero nakaligtas.

Sugatan din ang kaniyang kapatid at isang menor de edad.

Ayon kay Fajardo, posibleng sniper ang bumaril kay Espinosa.

“Doon sa mismong area kung saan nangyari ay wala namang lumapit sa kaniya para barilin siya…Ang sabi ni Regional Director possibly sniper kasi medyo malayo yung posibleng pinagpuwestuhan,” sabi ni Fajardo.

Taong 2016 nang aminin ni Espinosa sa isang pagdinig sa Senado na sangkot siya sa kalakaran ng ilegal na droga.

Sa isang pagdinig ng House Quad Committee (QuadComm) noong Oktubre 2024, binawi niya ito at iginiit na hindi siya drug lord.

Inihayag din niya sa naturang pagdinig na pinilit lang umano siya ni dating Philippine National Police chief at ngayo'y senador na si Ronald "Bato" dela Rosa, na idawit sina dating senador Leila de Lima at negosyanteng si Peter Lim sa illegal drug trade.

Itinanggi naman ni dela Rosa ang pahayag ni Espinosa na tinawag niyang sinungaling.

Isa-isa namang ibinasura ng korte ang mga kaso kay Espinosa dahil sa kakulangan umano ng ebidensiya.

Si Espinosa ay anak ni dating Albuera mayor Rolando Espinosa na binaril at napatay ng mga pulis habang nakakulong sa Baybay sub provincial jail noong November 2016 matapos umanong manlaban.

Kasama ang nakatatandang Espinosa sa listahan ni dating pangulong Rodrigo Duterte ng mga politiko na sangkot umano sa ilegal na droga.-- mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News