May magandang balita para sa mga motorista sa Holy Week dahil sa inaasahang malakihang tapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Batay sa pagtaya ng Department of Energy - Oil Industry Management Bureau (OIMB), na iniulat din sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, inaasahang bababa ang presyo ng gasolina ng P3.30 hanggang P3.75 kada litro.
Ang diesel naman, magbabawas ng presyo ng P2.90 hanggang P3.40 kada litro.
Ang kerosene, bababa ng P3.40 hanggang P3.50 kada litro.
Batay iyan ang pagtaya sa naging galaw ng trading mula Lunes hanggang Huwebes. Posible pang magbago ang pinal na halaga depende sa kalalabasan ng huling trading ngayong araw ng Biyernes.
Sinabi ng DOE na kabilang sa mga dahilan ng inaasahang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo ang trade war sa pagitan ng Amerika at ng China.
Inaanunsyo ng mga kompanya ng langis ang halaga ng price adjustment sa mga produktong petrolyo tuwing Lunes, at ipinatutupad naman sa susunod na araw ng Martes. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
