Tukoy na umano ng Philippine National Police (PNP) ang mga suspek sa likod ng pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que (na kilala rin bilang si Anson Tan) at sa kaniyang driver na si Armanie Pabillo.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabihan na umano ng PNP ang Bureau of Immigration (BI) tungkol sa mga suspek upang hindi sila makalabas ng bansa.

"We can arrest some people right now but we can't get the mastermind. We want the mastermind," sabi ni PNP Chief Police General Rommel Marbil.

Batay sa kinalalabasan ng kanilang imbestigasyon mula pa lang sa pagkawala ng dalawang biktima, nakikita na nila na higit pa ito sa kaso ng kidnap-for-ransom.

"We are sharing notes what happened sabi ko nga may malaki kasing twist e. Hanggang doon lang muna ako," ani Marbil.

Tumanggi naman si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na magkomento tungkol sa lumabas na ulat na may koneksyon umano ang sindikato ng POGO sa pagpatay sa mga biktima dahil sa utang na hindi binabayaran.

"We are aware of this theory or this piece of news and we actually have more information about it but we don't want to divulge everything in media we need to operate quietly," paliwanag ni Remulla.

Nitong Abril 9 nakita ang bangkay ng dalawang biktima na itinapon sa Rodriguez, Rizal.

Huli naman silang nakitang buhay noong Marso 29 matapos na lumabas kanilang opisina sa Valenzuela CIty kung nasaan ang negosyo ni Que na tungkol sa bakal.

Nitong Huwebes, iniulat ni GMA Integrated News reporter Jun Veneracion na batay sa source, tatlong beses nagbayad ng ransom ang pamilya ni Que na aabot sa halos P100 milyon para pinatay pa rin ang mga biktima.-- FRJ, GMA Integrated News