Dalawa ang patay—kabilang ang isang barangay chairman—at dalawa pa ang sugatan sa nangyaring na pananambang sa ibabaw ng isang tulay sa Bangued, Abra.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang pananambang sa Calaba Bridge sa Barangay Calaba nitong Miyerkoles ng gabi.
Ayon sa pulisya, lulan ng dalawang sasakyan ang mga biktima na patungo sa La Paz nang mag-overtake ang isang pickup truck na sinasakyan ng mga salarin at pinagbabaril ang mga biktima.
Nasawi sa naturang pananambang ang isang barangay chairman ng bayan ng Lagayan, at isa pang babae. Sugatan naman ang isa pang babae na miyembro ng Sangguniang Bayan ng Lagayan, at isang lalaking driver.
Nagsasagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad para madakip ang mga salarin, at inaalam pa ang motibo sa krimen. – FRJ GMA Integrated News
