Kilala si Father Flaviano “Flavie” Villanueva sa kaniyang adbokasiya upang tulungang makapagbagong-buhay ang mga drug user. Bakit nga ba ito ang naging bahagi ng kaniyang adbokasiya, at bakit hindi siya naniniwala na ang pagpatay sa mga ito ang lulutas sa problema ng ilegal na droga? Alamin.

Sa kaniyang guesting sa “I-Listen with Kara David,” ikinuwento ni Father Flavie na nasa seminaryo na siya noon nang tila maakit siya na magmisyon para sa mga gumagamit ng droga.

Ngunit bago pa man nito, inamin ni Fr. Flavie na minsan din siyang nalulong sa ilegal na droga noon at kaniyang nalampasan.

“Ang tao, naniniwala ko, nagga-gravitate siya kung saan at home. Kung ano ‘yung naging kasaysayan niya noong nakaraan, doon siya tumataya. Batay sa aking munting karanasan ng pagdodroga, na napagtagumpayan sa awa ng Diyos. Nasa seminaryo na po ako at pinapipili kung saan mag-a-apostolate for the weekend. Walang tumaya sa drug rehab,” sabi niya.

“Ako po 'yung isa sa nag-volunteer to work in a drug rehab kahit noong ako'y seminarista pa kada weekend for the next three to four years,” pagpapatuloy ng pari.

Kaya paglilinaw ni Fr. Flavie, nagsimula na ang kaniyang adbokasiya para sa drug rehab bago pa man ang madugong war on drugs.

“Nagsimula nu’ng nakaranas ako ng paghilom po sa droga. I've been sober for the past decades na rin po,” ani Fr. Flavie.

Ayon sa kaniya, edad 14 at katatapos lamang niya ng Grade 6 noon nang masubukan niyang magdroga.

“Nabarkada and then I know that some cousins of mine who live with us were also using. So the curiosity got the best of me and I also indulged with it,” kuwento ng pari.

Sinabi ni Fr. Flavie na walang ibang nagdesisyon nito kundi ang kaniyang sarili.

Kalaunan, nakonsensiya siya sa kaniyang ginagawa at inihinto ang paggamit ng droga.

“Siguro mas malalim ‘yung conscience doon sa tanong na ito ba ‘yung buhay talaga na gusto kong isabuhay? Ito ba ‘yung nais na buhay ng mga magulang at ang Diyos para sa akin? These questions were very pertinent na naging foundation ko, pinanghahawakan ko para makawala doon sa cycle at doon sa kadena ng addiction, doon sa kung saan ako nababalot,” sabi niya.

Kaya para kay Fr. Flavie, hindi ang pagpatay ang solusyon sa mga drug addict.

“Hindi ito solusyon sa problema ng droga sa bansa, ‘yung papatay na lang. To begin with, ang diagnosis, kahit sino mag-diagnose, ang drug problem is a health and mental issue. Ang ginawang solusyon noon ni Duterte ay peace and order. So, hindi tumugma sa diagnosis,” sabi niya.

Giit pa ni Fr. Flavie, hindi lahat ng drug addict ay nagiging bayolente.

“Sa karanasan ko po ay kami naman ay hindi bayolente po noon. Hindi kami naghahanap ng away. Laugh trip lang kami. I will not romanticize, mayroon talagang mga taong, meron nga, mas bayolente kahit walang droga. Road rage. Pero hindi pa rin po ako naniniwala at kailanman hindi ako naniniwala na pagpatay sa drug addict ang siyang solusyon sa kanila para magbago,” paliwanag niya.

Ayon sa pari, wala sa isip niya noon na maging pari, kundi masaya siya sa pagiging lay missionary.

“I never wanted to be a priest, but lay missionary po ang una kong pinasukan. Wala po sa wildest dreams ko. Pangarap 'yan ng nanay ko, ng tatay ko, to the point na kapag may costume party sa eskuwela… ‘Yung katabi ko, Superman, Batman, ako naka-surplice,” kuwento niya.

“But they wanted it. Except I, it was clear to me during those years, why should I be worthy?” sabi niya sa sarili.

Matapos sumailalim sa discernment retreat ng ilang araw, napagdesisyunan na ni Fr. Flavie na pumasok sa seminaryo.

“Doon po, mas madaming katahinikan, doon ko po napagtibay 'yung bokasyon na marahil tinatawag na ako. And noong pag-aaral na tungkol sa teolohiya, I could say honestly that I've never studied so passionately. Ginugol ko po. I fell in love with the study. Perhaps that's also reason why I fell in love with God. Tinatawag po ako. Para ako sa Kaniya,” kuwento niya.

Panoorin sa video ang buong panayam kay Fr. Flavie upang mas makilala pa siya. – FRJ GMA Integrated News