Inaresto ang isang guro sa Cavite dahil sa pang-aabuso umano sa kaniyang mga estudyante. Sa Leyte, isang ina naman ang inaresto rin dahil sa ginawang kahalayan umano sa tatlo niyang anak at apat na kaanak na pawang menor de edad.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing isinagawa ng mga operatiba ng Women and Children Protection Center (WCPC) ng Philippine National Police ang pagsisilbi ng warrant to search, seize, and examine computer data laban sa guro sa bahay nito sa Indang, Cavite.
Nakuha umano ng mga awtoridad sa bahay ng suspek ang mga electronic gadget na naglalaman ng 32 indecent videos nito, kasama ang anim niyang junior high school students.
Nangyayari umano ang pang-aabuso ng guro sa mga biktima sa mismong bahay ng suspek matapos ng kanilang klase. Binibigyan din umano ng suspek ng P100 hanggang P300 ang mga biktima pagkatapos gawin ang kahalayan.
Isinagawa ng WCPC ang operasyon matapos na lumabas online ang mga video ng guro at mga estudyante.
Mahaharap ang guro sa mga reklamong paglabag sa Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse o Exploitation Materials Act, in relation to the Cybercrime Prevention Act.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang guro.
Sa Abuyog, Leyte, inaresto naman ng WCPC ang isang ginang dahil sa ginawa umanong pang-aabuso sa tatlo niyang anak at apat na kamag-anak na pawang mga menor de edad.
Ang kahalayan, kinukuhanan umano ng suspek ng video at ibinebenta sa isang Norwegian citizen na nasa labas ng Pilipinas.
Wala pang pahayag ang suspek kaugnay sa akusasyon laban sa kaniya.—FRJ GMA Integrated News
