Patay sa pamamaril sa loob ng kaniyang bahay ang isang punong barangay sa San Joaquin, Iloilo.
Sa ulat ni Kim Salinas sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Richard Sapalo, 53-anyos, chairman ng Barangay Ginot-an.
Ayon sa pulisya, nakitang patay si Sapalo nitong Huwebes ng umaga na may tama ng bala sa bibig at tiyan.
Napag-alaman ng mga awtoridad na dakong 10:00 pm noong Miyerkules nang umuwi ang biktima. Bandang 2:00 am nang may nadinig na putok sa kuwarto ng biktima.
Ngunit hindi umano ito pinansin ng mga kasama sa bahay sa pag-aakalang may nahulog lang na bagay sa sahig.
Dakong 5:30 a.m. nang madiskubre ang duguang katawan ng biktima.
“Based sa ating investigation, sa likod ng bahay dumaan ang perpetrators at pumasok sa kaniyang silid. Ang likod ng bahay, hindi na-lock, ang silid wala ring lock," ayon kay Police Captain Isagani Tabares, officer in charge ng San Joaquin Municipal Police Station.
Napag-alaman din na nakatanggap si Sapalo ng banta sa buhay nitong nakarang Enero sa pamamagitan ng tawag sa radyo.
“Nag-greet ako ng Happy New Year sa mga residente, sa barangay council. Kap, happy condolence Kap. Medyo bata pa ang kaniyang boses,” kuwento ni Barangay Ginot-an Councilwoman Lilybeth Locsin.
Kasunod ng natanggap na banta, pansamantalang tumuloy si Sapalo sa kaniyang kapatid. Nitong Pebrero umano nang muling bumalik sa kaniyang bahay ang biktima.
“Mga isang buwan siguro doon siya natutulog, doon siya umuuwi. Umuuwi lang siya dito tuwing araw. Wala naman siyang kaaway,” ayon sa kapatid ng biktima na si Marie Momla.
Mayroon nang person of interest ang mga pulis pero sinisiyasat pa ang motibo sa krimen. – FRJ GMA Integrated News
