Imbes na nakalagay na lamang sa gallery, maaari na ring gawing memorabilia ang travel photos dahil sa negosyong magnets ng isang entrepreneur. Ang kaniyang kita kada buwan, mula P25,000 hanggang P35,000.

Sa Pera Paraan, itinampok ang negosyong travel magnets ng 28-anyos na corporate girl at madiskarteng entrepreneur tuwing weekend na si Cheenee Belo, owner ng Kalinaw Creatives.

"Gusto ko makita everyday 'yung photos ng travels ko. So 'yun po 'yung naisip kong twist du'n sa magnet, na gawin ko po siyang travel destinations po na mga napuntahan ko," sabi nito.

Bago nito, 2024 nang may mapanood siya sa na magnet making machine videos. Naisipan niyang magbenta ng magnet making machine at agad dumoble ang kumita.

"Nag-start po ako ng 10 pieces, umabot po siya ng mga 40 pieces. 'Yung 15K ko po umabot ng 6 digits dahil doon po sa machine na sinusource out ko po from China," sabi niya.

"Nakukuha ko po siya before P2,500 rin. Tapos naibabenta ko po siya dito P4,500. So P2K na po agad 'yung kinikita ko du'n sa isang machine pa lang," dagdag niya.

Gayunman, humina ang negosyo sa pagdami ng mga kakumpitensiya. Kaya naisip ni Belo na gamiting puhunan ang mga natirang magnet machine na hindi naibenta para makagawa naman ng travel magnets.

Sa tulong ng social media naipakilala niya ang kaniyang bagong produkto. Laking gulat niya na umabot ng 1.6 million views ang video niya ng pagdidikit ng travel magnets sa ref.

Mula sa pasampu-sampung benta, umabot na ito sa daan-daan. Kada linggo, nasa 200 hanggang 300 piraso ng travel magnets ang kaniyang ginagawa.

Gayunman, tuwing weekends lang niya ginagawa ang side hustle, dahil nagtatrabaho pa rin siya bilang account manager sa isang IT company.

Halagang P60 ang isang travel magnet, na maaari pang palagyan ng caption nang libre.

Ang kitang mula P25,000 hanggang P35,000 kada buwan sa negosyo, inilalaan niya sa pagbabayad ng monthly bills.  — VBL, GMA Integrated News